Nagpahayag ng admirasyon si GMA news anchor at award-winning documentary journalist na si Kara David kay Unkabogable Star Vice Ganda, matapos niyang mag-deliver ng kaniyang speech sa mga nagsipagtapos sa University of the Philippines (UP)-College of Media and Communication, bilang imbitadong commencement speaker noong Linggo, Hulyo 5.
Sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Hulyo 6, ibinida ni Kara ang larawan nila ni Vice Ganda habang nasa venue ng pagtatapos. Si Kara, bukod sa full-time work niya sa GMA, ay nagtuturo din sa nabanggit na kolehiyo sa UP.
Aminado si Kara na na-starstruck daw siya nang makita at marinig niya si Vice Ganda. Humanga rin siya sa naging talumpati ng komedyante-TV host-aktor para sa "Journ babies" niya.
"Si Vice Ganda ang commencement speaker namin kahapon sa UP CMC graduation. Na-starstruck ako nung makita ko siya. Napahanga ako nung marinig ko siya," saad ng batikang journalist.
Ibinahagi rin niya ang bahagi ng talumpati ni Vice na inilarawan niya bilang "matapang."
“You are expected to spark change. Change, not chaos. You're expected to share your education, not disinformation. Hindi kayo ang magsisimula ng korapsyon. Hindi kayo ang maghahasik ng kasinungalingan. Hindi kayo ang magliligaw at magmamanipula ng opinyon ng publiko," saad ni Vice Ganda, na ibinahagi niya sa mga nagsipagtapos na "Isko" at "Iska" ng Bayan.
"Salamat meme vice! Padayon!" pagwawakas ni Kara.
Marami naman sa mga netizen ang humikayat na sana raw, makapanayam ni Kara si Vice Ganda, o mai-guest ang isa't isa sa kani-kanilang vlogs.
Speaking of Meme Vice, sobrang hectic nga ang schedule niya noong Linggo dahil bukod sa speaking engagement, dumiretso siya sa isang mall sa Cubao, Quezon City para kumasa sa "hamon" ni "Eat Bulaga" host Vic Sotto na magkita sila roon sa ganap na 4:00 ng hapon.
Dito nga, kumpirmadong magsasama silang dalawa sa isang pelikula, na may pamagat na "The Greatest Showdown" na ididirehe ni Jun Robles Lana.
Maki-Balita: 'The Greatest Showdown!' Vice Ganda, Vic Sotto magsasama nga sa pelikula
Pagkatapos, dumiretso naman siya sa awards night ng 9th Entertainment Editor's Choice o Eddys kung saan tinanggap niya ang parangal na "Box Office Hero" para sa pelikulang "Call Me Mother."