What's up, Madlang Dabarkads?
Kumpirmadong magsasama sa 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF) sina Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda at Bossing Vic Sotto na isa naman sa pioneer host ng "Eat Bulaga," matapos ang launching at pagkikita ng dalawa sa isang mall sa Cubao, Quezon City nitong Linggo, Hulyo 5.
Finally, tinapos na nga nina Meme Vice at Bossing Vic ang espekulasyon ng mga netizen matapos nga ang dalawang araw na palitan nila ng mensahe sa kani-kanilang magkaribal na programa sa noontime.
Surreal nga raw sa pakiramdam na makita sa isang proyekto ang dalawang big stars ng noontime shows, at mga pumapaldo rin sa takilya kapag MMFF.
Batay sa inilabas na movie poster, ang pamagat ng pelikula ay "The Greatest Showdown" na ididirehe ng award-winning filmmaker na si Jun Robles Lana, na siya ring direktor ni Vice Ganda sa mga pelikulang "And The Breadwinner Is" at "Call Me Mother."
Matatandaang unang bumati si Vice kay Vic sa Showtime kung saan tinawag pa niyang “idol” ang veteran host-comedian, noong Biyernes, Hulyo 3.
Hindi nagtagal ay sinagot naman ito ni Vic sa ere ng “Eat Bulaga!”
“May bumati sa akin kanina eh. Babatiin ko rin siya. What’s up, Vice? Mag-uusap tayo. Mag-uusap tayo nang masinsinan,” biro noon ni Vic.
Dagdag pa niya, “Basta ang masasabi ko lang sa ’yo, mwah, mwah, tsup, tsup.”
Maki-Balita: Vice Ganda, Vic Sotto nagbatian sa shows; MMFF collab na ba?
Naulit pa ito noong Sabado, Hulyo 4, kung saan sinabi ng dalawa na magkita sila sa Cubao sa ganap na 4:00 ng hapon. Biro pa nga ni Vic, 3:59 ng hapon ay naroon na siya.
Maki-Balita: 'Wakasan ng noontime war?' Vice Ganda, Vic Sotto kasado pagkikita sa Cubao!
Bago pa man ang opisyal na anunsyo, ilang beses nang nagpahayag ng pagiging bukas sa posibilidad ng kolaborasyon ang magkabilang panig.
Sa isang panayam noong mga nakaraang taon, sinabi ni Vic na hindi imposible ang pagsasama nila ni Vice kung may tamang proyekto.
Samantala, nauna ring nagbigay ng pahiwatig si Vice tungkol sa isang “pasabog” na makakasama niya sa susunod niyang pelikula.
Ang susunod na aabangan naman, ay kung magkakaroon ba ng "unexpected crossover" sina Vice Ganda at Vic sa kani-kanilang magkaribal na noontime shows, lalo na sa panahon ng promotion ng pelikula.