July 23, 2026

Home SHOWBIZ

'Wakasan ng noontime war?' Vice Ganda, Vic Sotto kasado pagkikita sa Cubao!

'Wakasan ng noontime war?' Vice Ganda, Vic Sotto kasado pagkikita sa Cubao!
Photo courtesy: It's Showtime, Eat Bulaga

Kasado na ang pagkikita ng dalawang bibigating noontime show host na sina Unkabogable Star Vice Ganda, ng “It’s Showtime,” at Bossing Vic Sotto, mula sa “Eat Bulaga,” sa Cubao bandang 4:00 ng hapon sa darating na Linggo, Hulyo 5, 2026. 

Matatandaang umani ng matinding reaksiyon mula sa netizens ang palitan ng pagbati ng dalawa noong Biyernes, Hulyo 3, sa kani-kanilang programa, na lalo pang nagpasiklab sa usap-usapang posibleng pagsasama nila sa isang proyekto, partikular para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, Vic Sotto nagbatian sa shows; MMFF collab na ba?

Sa muli namang naging pagbangit ni Vice kay Bossing Vic nitong Sabado, Hulyo 4, sinabi niyang nagulat daw siya sa imbitasyon ng huli at kung ano raw kaya ang dahilan kung kailangan nilang personal na mag-usap. 

“Nagulat ako. Ang sabi niya sa akin, ‘Mag-uusap tayo nang masinsinan.’ Napa-isip naman ako. Sabi ko, ano ba ‘yong imbitasyon sa akin ni Bossing? Bakit gusto niya akong makausap?” pagsisimula ni Vice. 

Events

Host ng 'Ipaglaban Mo!' na si Atty. Jose Sison, pumanaw sa edad na 88

Ani Vice, gusto rin naman talaga niyang personal na makita, makausap, at mayakap si Bossing Vic kaya raw inaanyayahan niya ang huli na magkita sila sa Cubao sa darating na Linggo. 

“Bossing pasensya na. Busy ako today. Pero Bossing gusto rin naman kita talagang makita’t makausap sa personal. Gusto kitang mayakap, mabati, mahalikan, at talagang gusto kong magkaroon tayo ng malalim na usapan,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Bossing, kung may oras ka, bukas magkita tayo 4 pm sa Cubao… Kaya sa lahat ng Madlang People at mga Dabarkads, pumunta rin kayo ng Cubao. Tingnan natin kung anong mangyayari sa aming pagtatagpo.”

Pagpapatuloy ni Vice, maaari daw na matapos na ang usapin ng “noontime war” ng kanilang mga noontime show na “It’s Showtime” at “Eat Bulaga” sa nakatakda nilang pagkikita. 

“So bukas, maaaring wakasan namin ang ‘noontime war.’ Kung saan sa Cubao, bahala kayo,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, agad din namang sinagot ni Bossing Vic ang imbitasyon sa kaniya ni Vice at sinabi niyang darating daw siya sa Cubao bago pa man sumapit ang 4:00 ng hapon sa Linggo. 

“3:59 nandoon na ako,” tugon ni Bossing. 

Samantala, hindi naman sinabi ng dalawa sa publiko ang dahilan ng nakatakda nilang pagkikita sa Cubao. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Nakaaway ko noong Season 1!' Vice Ganda, napagkamalang si Tado ang Miss Q&A contestant