Imbitado na sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagdinig ng Kamara hinggil sa imbestigasyon nito sa “extrajudicial killings (EJKs)” ng war on drugs ng dating administrasyon.

Sinabi ito ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th district Rep. Bienvenido Abante Jr. matapos muling ungkatin ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang usapin ng pagpapatawag kina Duterte at Dela Rosa sa kanilang pagdinig sa Kamara nitong Miyerkules, Hunyo 5, na inulat ng Manila Bulletin.

“What I can promise…is that we will be informing again Senator Dela Rosa on the next hearing, and if he would like to attend, sabihin na natin doon na if you would like to come, you are welcome,” ani Abante. 

“We are also going to inform, para sa ikagagalak ni Congressman Manuel, we’re going to inform the former president on this hearing. OK? ‘Pag na-inform siya, eh nasa kaniya na ‘yon kung pupunta siya o hindi.”

National

Kamara, iimbestigahan ‘drug war killings’; FPRRD, ipapatawag ba?

“But I would like to give full respect to the former president. Although he might not be…exempt from this investigation, yet I think we should give full respect to the former president being a public official also. So we’re going to inform the former president on this,” saad pa niya.

Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Abante na hindi na umano kailangang ipatawag sina Duterte at Dela Rosa sa kanilang pagdinig para raw sa “parliamentary courtesy.”

Matatandaang si Duterte, 79, ang pangulo ng bansa na nag-implementa ng madugong giyera kontra droga sa bansa. Si Dela Rosa naman ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong sinimulan ito.

Samantala, sa naturang pagdinig nito ring Miyerkules ay binasa ni human rights lawyer Chel Diokno ang isang 2018 Supreme Court (SC) resolution kung saan binanggit ang isang 2017 yearend achievement report ng Office of the President. 

Nakasaad dito na 20,322 drug suspects umano ang pinatay sa unang 17 buwan ng Duterte administration, o tinatayang halos 40 indibidwal sa isang araw.