Nagbigay ng reaksiyon si Senate President Pro Tempore at acting Senate President Win Gatchalian sa nililikhang loveteam ng ilang netizens sa Senado na binansagang “WinRi.”
Kombinasyon ang WinRi ng pangalan nila ni Sen. Risa Hontiveros.
Sa panayam ng media nitong Sabado, Hunyo 6, sinabi ni Sen. Win na nakakakilig at malaking karangalan umano ang maiugnay sa kabaro niyang senadora.
Aniya, “Nakakakilig. At of course, para sa akin, malaking karangalan. Si Sen. Risa isa sa pinaka-hardworking, napakasipag, matapang, magaling na senador natin. Very serious sa trabaho.”
“Kaya para sa akin, it’s an honor to be associated with her,” dugtong pa ni Sen. Win.
Samantala, tumanggi naman siyang magkomento sa posibilidad na maging magka-tandem sila ni Sen. Risa para sa 2028 elections.
“Wala munang politika ngayon. Matagal pa ‘yan,” anang Senate President Pro Tempore.
Matatandaang opisyal nang nilunsad ng mga tagasuporta ng senadora ang “Risa Na! Movement” bilang pagpapakita ng suporta sa kandidatura nito sa naturang halalan.