June 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Mga paghahanda ng Tañong Integrated School sa darating na pasukan

#BalitaExclusives: Mga paghahanda ng Tañong Integrated School sa darating na pasukan
Photo courtesy: The Quill - Official English Student Media of Tañong Integrated School - JHS

Sa temang “Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,” muling nagsama-sama ang mga mag-aaral, mga magulang, at guro, upang tiyakin ang kalinisan at kaligtasan ng kanilang paaralan bago magsimula ang panibagong school year. 

Tuwing panahon ng Brigada Eskwela, kadalasang isinasagawa ang repair at repainting ng mga pasilidad sa paaralan tulad ng classroom, banyo, library, canteen, at clinic. 

Bukod sa nakatakdang pondo mula sa Department of Education (DepEd), ang ilang magulang na volunteers ay pinipiling magbigay ng kanilang donations para sa dagdag na kagamitan ng paaralan. 

Ngayong 2026, ang Brigada Eskwela ay umarangkada na mula Lunes, Hunyo 1, hanggang Biyernes, Hunyo 5. 

Isa ang Tañong Integrated School sa Malabon sa mga nakapanayam ng Balita hinggil sa kanilang paghahanda sa darating na back to school ngayong School Year 2025- 2026. 

Human-Interest

Mga hayop na pinaniniwalaang kamag-anak ng dinosaurs

Dahil dito, eksklusibong nakapanayam ng Balita si Ma’am Marie Karlene Abaygar na Focal Person at Coordinator ng Brigada Eskwela at Filipino Head Teacher mula sa Tañong Integrated School (TIS) sa Malabon City. 

Aniya, taon-taon, epektibong nagagamit ng TIS ang kanilang social media page at school paper upang maihayag sa mga magulang at mga mag-aaral ang promotion ng kanilang Brigada Eskwela. 

Kasama rin dito ang posters at tarpaulin na naka-display upang makita ng bawat mag-aaral at kanilang mga magulang. 

Dahil nahahati rin ang TIS sa elementary at high school departments, mas maraming magulang ng elementary students ang kanilang nakakatuwang dahil pagdating sa high school, ang mga mismong mag-aaral na lamang ang nakikiisa. 

Hinggil sa kanilang mga kagamitan, ibinahagi ni Ma’am Kaye na nagmumula ito sa inilaang pondo ng DepEd at donasyon ng mga magulang at iba pang stakeholders, at mula rito, tinitiyak nilang lahat ng grade level ay napaglalaanan ng mga ito. 

“Tinitingnan namin na lahat ay nabibigyan ng mga gamit, sa bawat rooms, sa bawat klase, sa bawat grade level. Minsan nabibiyayaan kami ng ibang department, ibang organization, nakakapag-donate po sila,” saad ni Ma’am Kaye. 

Saad niya, pintura ang isa sa resources na pinaka nagagamit ng kanilang paaralan, gayundin ang floor wax para sa classrooms ng elementary grade levels at mga walis naman para sa high school level classrooms. 

Ikinuwento pa ni Ma’am Kaye na lahat ng resources na nakalaan sa Brigada Eskwela ay hindi na itinatambak, bagkus, inuubos na ang mga ito sa proyektong ito, at kung kinakailangan ng repair sa kalagitnaan ng school year, kinukuha na ang kagamitan mula sa kanilang hiwalay na school fund mula sa DepEd. 

Bilang guro at school personnel, ibinahagi ni Ma’am Kaye na hindi lamang paglilinis at pagsasaayos ng paaralan ang Brigada Eskwela, bagkus, ito ay simbolo ng bayanihan, pagkakaisa, at malasakit. 

“Sa pamamagitan nito [Brigada Eskwela], nakikita paano nagsasama-sama ang mga magulang, guro, alumni, at iba pang stakeholders, para makalikha sila ng ligtas na kapaligiran,” saad ni Ma’am Kaye. 

Aniya pa, ang Brigada Eskwela ay nagsisilbi ring “bonding time” ng mga mag-aaral at pagpapatibay ng pagkakaibigan. 

“Sa Brigada pa lang, nagkakaroon na sila [mga mag-aaral] ng bonding. Nagkakaroon na sila ng magandang pagsasamahan. Dahil doon pa lang po, nagkakakilala na sila, bukod pa sa araw-araw na magkakasama sila,” saad ni Ma’am Kaye. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Dapat na bang buwagin ang Brigada Eskuwela?

KAUGNAY NA BALITA: Nasa 240,000 TUPAD beneficiaries, ide-deploy ng DOLE para sa Brigada Eskwela