May 31, 2026

Home BALITA

Nasa 240,000 TUPAD beneficiaries, ide-deploy ng DOLE para sa Brigada Eskwela

Nasa 240,000 TUPAD beneficiaries, ide-deploy ng DOLE para sa Brigada Eskwela
Photo courtesy: MB file photo

Magpapakalat ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng humigit-kumulang 240,000 manggagawa sa buong bansa simula Hunyo 1, 2026 bilang bahagi ng paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa School Year 2026-2027, o mas kilala bilang "Brigada Eskwela." 

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, makikibahagi ang mga benepisyaryo ng programang (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) TUPAD sa paglilinis, pagkukumpuni, at pagpipintura ng mga pampublikong paaralan sa ilalim ng taunang Brigada Eskwela.

Tinatayang nasa 5,000 paaralan at halos 240,000 silid-aralan ang sasaklawin ng programa sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd).

“Ang konsepto po ng TUPAD ay yun talagang makatulong sa local economy,” pahayag ni Tolentino sa panayam ng isang radio station noong Sabado, Mayo 30.

Sa ilalim ng programa, ang mga manggagawa ay tutulong sa paglilinis ng mga silid-aralan, pagkukumpuni ng mga sirang pasilidad, pagpipintura ng mga gusali, at iba pang gawaing kinakailangan bago magsimula ang klase.

Probinsya

Ikapitong nasawi sa pagguho sa Pampanga, natagpuan na!

“Yung mga maglilinis, magre-repair ng mga facilities, magpipintura, yung lahat na magre-repair ng classroom, katulong po ang PTA, yung mga beneficiaries po ay mga TUPAD,” ani Tolentino.

Ayon pa sa DOLE, layunin ng programa na hindi lamang ihanda ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase kundi makapagbigay rin ng agarang hanapbuhay sa libo-libong displaced workers sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Inaasahang sabay-sabay na ilulunsad ang programa sa iba't ibang rehiyon kabilang ang CARAGA, Bicol Region, CALABARZON, at ilang lugar sa Metro Manila. 

Nagsagawa na rin umano ng mga koordinasyon at pagpupulong ang mga regional office ng DOLE at DepEd upang matiyak ang maayos na implementasyon ng proyekto.

Ang Brigada Eskwela ay taunang programa ng DepEd na naglalayong ihanda ang mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga guro, magulang, lokal na pamahalaan, at iba pang sektor ng komunidad bago ang pagbubukas ng panibagong taon ng pag-aaral.