Sa unang pagkakataon, iimbestigahan ng Kamara ang “extrajudicial killings (EJKs)” ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang press conference nitong Huwebes, Mayo 16, na inulat ng Manila Bulletin, inihayag ni Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante Jr. na gaganapin ang kanilang unang pagdinig sa darating ng Miyerkules, Mayo 22.

"We shall begin in earnest on Wednesday, May 22. ‘Yun po yung first hearing namin," ani Abante.

Ayon din sa panel chair, ito ang unang pagkakataon kung saan iimbestigahan ng komite ang mga alegasyon ng EJK ng administrasyong Duterte. 

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Samantala, sinabi ni Abante na hindi na umano kailangang ipatawag ang dating pangulo, maging si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong sinimulan ang war on drugs.

"Hindi na po. I don’t even think that if we invite them, they will be able to attend… We would like to maintain that courtesy with the sitting senator and also with the former president," ani Abante.

"Pero iimbitahan po namin ‘yung talagang nandoon, for example like [former PNP chief] Gen. [Oscar] Albayalde very much involved iyan and perhaps we will also be able to invite the former DOJ (Department of Justice) secretary Menardo Guevarra to shed light in all these things," dagdag niya.

Matatandaang si Duterte, 79, ang nagsilbing pangulo ng bansa mula 2016 at 2022.

Samantala, ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao umano ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.