Itinanggi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, Hunyo 6, 2026, na mayroon siyang naging pag-uusap kay Sen. Jinggoy Estrada o sa kampo nito kaugnay ng mga kinahaharap na kasong plunder at graft.
Sa isang programa sa radyo, sinabi ni Remulla na wala siyang pakikipag-ugnayan sa sinuman hinggil sa mga naturang kaso sa kabila ng mga pahayag ni Estrada na may mga taong lumalapit umano sa kaniya at inaalok na lumipat sa Gatchalian faction kapalit ng pag-abswelto sa kaso niya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso
"May mga sinabi kasi si Senator Jinggoy Estrada na marami raw kumakausap sa kaniya tungkol sa mga kaso. Ang sasabihin ko lang sa mga kung sino man ang mga, merong kumakausap, hindi ho ako nakikipag-usap kahit kanino tungkol sa ganiyang bagay," ani Remulla.
Binigyang-diin din niya na ang Office of the Ombudsman ay nakabatay lamang sa ebidensiya sa paghawak ng mga kaso.
"Kung ano ang ebidensiya, yun po ang aming susundin. Kung ano ang ebidensiya, we will follow the evidence. Walang puwedeng mangako," dagdag niya.
Ayon pa kay Remulla, hindi niya hahayaang magamit ang kanyang tanggapan para sa anumang layuning pampulitika.
"Kasi ayaw nating ma-weaponize yung opisina na aking pinangungunahan. We cannot weaponize it. Hindi po ito puwedeng maging sandata ng politika," aniya.
Nanawagan din siya kay Estrada na huwag maniwala sa sinumang nagsasabing may impluwensiya sila sa mga kasong hinahawakan ng Ombudsman.
"Hindi dapat makikinig sa ganiyang mga bilin sapagkat hindi po kami nakikipag-usap sa ganiyang bagay," sabi ni Remulla.
Nauna nang itinanggi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na may motibong pampulitika ang paghahain ng kasong plunder at graft na nagkakahalaga ng ₱573 milyon laban kay Estrada at apat pang kapwa akusado.
Samantala, hiniling ng kampo ni Estrada sa Sandiganbayan na ibasura ang kasong plunder at dalawang bilang ng graft na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano'y anomalya sa mga proyekto sa flood control.