Iginiit ni Sen. Jinggoy Estrada na makailang beses umano siyang inalok na lumipat sa Senate minority bloc upang tuluyang maabswelto siya sa plunder case na isinampa sa kaniya ng Office of the Ombudsman.
Sa kaniyang presscon nitong Lunes, Hunyo 1, 2026—ilang minuto bago siya sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inihayag niya ang desisyon niyang manatili sa Senate majority bloc, kapalit umano ng iniaalok sa kaniya ng minorya.
“Maraming beses po akong inalok na talikuran ang independent majority bloc, kapalit ng pagbabasura sa aking kaso. Ngunit, hindi ko po ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko, na ako'y manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” ani Estrada.
Paliwanag pa niya, “I stand my ground, ngayon kung tatanungin n'yo kung sino sila, abangan ninyo ang susunod na kabanata.”
Giit pa niya, hindi na raw tungkol sa personal niyang problema ang kaniyang paninindigan sa desisyon niyang hindi paglipat sa Senate minority.
“I stand my ground because what is at stake here goes far beyond my personal circumstances. What is at stake here is the independence of the Senate. This institution must never become vulnerable to external pressure,” aniya pa.
Matatandaang nitong Lunes din, nang ibaba ng Sandiganbayan ang ikalawang arrest warrant laban sa senador para sa non-bailable plunder case niya kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Noong Biyernes, Mayo 29, naghain ng ₱90,000 piyansa si Estrada para sa graft na isinampa rin sa kaniya ng Ombudsman. Kasunod nito, muli siyang naglabas ng pahayag at nanindigang walang mga tayan ang lahat ng inaakusa laban sa kaniya.
“Mariin kong itinatanggi ang mga paratang laban sa akin. Ang mga ito ay walang batayan at walang bahid ng katotohanan. I respect the rule of law and our judicial institutions, and this is precisely why I am posting bail and personally submitting myself to the jurisdiction of the Sandiganbayan,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Jinggoy, umaasa sa patas na trato at due process, dahil sa ikatlong plunder case!