Nanindigan si Sen. Jinggoy Estrada na patuloy na gagawin ng kaniyang kampo ang mga legal na hakbang laban sa iniuugnay sa kaniyang plunder case bunsod ng maanomalyang flood control projects.
“I am personally posting bail before the Sandiganbayan in relation to the arrest warrant issued by its Second Division. Posting bail is a legal remedy available to me under our justice system, and I intend to avail myself of every lawful means to defend myself and clear my name,” anang senador sa inilabas niyang pahayag nitong Biyernes, Mayo 29, 2026.
Iginiit din ng senador na wala umanong basehan ang mga paratang laban sa kaniya.
“Mariin kong itinatanggi ang mga paratang laban sa akin. Ang mga ito ay walang batayan at walang bahid ng katotohanan. I respect the rule of law and our judicial institutions, and this is precisely why I am posting bail and personally submitting myself to the jurisdiction of the Sandiganbayan.”
Dagdag pa niya, umaasa siyang mananaig ang patas na proseso sa pagdinig ng kaso.
“Umaasa ako sa patas na pagtrato, due process, at pagiging walang kinikilingan sa pagdinig ng kasong ito. Nagtitiwala ako.”
Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang Sandiganbayan kaugnay ng kondisyon ng piyansa at iba pang hakbang sa kaso.
Nitong Biyernes din nang maglabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Estrada.
Matatandaang noong Huwebes, Mayo 28 nang tuluyang sampahan ng Office of the Ombudsman si Estrada ng graft at plunder case kaugnay ng kinasasangkutan umano niyang flood control scandal.
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, 'no bail' para kay Sen. Estrada dahil sa umano'y ₱573M kickback sa flood control
Ito na ang ikatlong beses na naharap sa plunder case si Estrada matapos ang kauna-unahang kasong plunder na isinampa sa kaniya noong 2001 kasama ang kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa isyu ng “jueteng.”
Habang noong 2014 nang siya ay makulong dahil pa rin sa kasong plunder sa isyu naman ng pork barrel scam.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ang tatlong plunder cases na tumira kay Sen. Jinggoy