Inamin ni Optimum Star Claudine Barretto na minsan na siyang nakaramdam ng "tampo" at "galit" sa Diyos dahil sa dami ng kaniyang mga pinagdaanan sa buhay, aniya sa panayam sa kaniya sa "Ogie Diaz Inspires."

Ang taong nakatulong daw sa kaniya para mahimasmasan ay si Anthony Pangilinan, asawa ng aktres na si Maricel Laza, na mga magulang naman ng "Can't Buy Me Love" lead star Donny Pangilinan.

Nang magbukas daw siya ng puso tungkol sa kaniyang nararamdaman, sinabi raw ni Pangilinan na okay lang daw makaramdam ng tampo o galit sa Diyos. Nang tanungin kung bakit, kasi daw, ibig sabihin nito ay naniniwala pa siya sa Diyos. Mas magtaka raw siya kung wala siyang emosyong naramdaman, dahil ibig daw sabihin nito, wala na siyang paniniwala o pananampalataya.

Dumaan pa raw siya sa phase na kinukuwestyon niya ang Diyos kung bakit grabe ang bigat ng mga pagsubok sa kaniya, gayong ang iba raw, kahit na matindi na ang kasalanan o pagkukulang sa Kaniya, ay hindi naman ganoon kalala. Iniisip pa nga niya kung karma ba ito sa kaniya gayong naniniwala umano siyang mabuti siyang tao.

Tsika at Intriga

Niligwak daw sa TNT: ABS-CBN, It's Showtime pinaratangang credit crabber dahil kay Sofronio

Sa dami raw ng mga pinagdaanan niya lalo na sa paghihiwalay nila ng estranged husband na si Raymart Santiago at pagiging solo parent, na-diagnose si Claudine ng pagkakaroon ng anxiety at panic disorder. Talaga raw nakaramdam siya ng depression at kumokonsulta pa sa psychiatrist para maayos ito.

Isa pa raw sa nagpalala nang kaniyang kalagayan ay nang mawala ang haligi ng Barretto family, ang kanilang ama.

"Nagka-depression ako," ani Claudine. "I was even bashed for that. Kasi noong buhay pa si Tito Ricky Lo, ako unang nagsabi na I am seeing a psychiatrist, I go to therapy, kasi kailangan talaga 'yon lalo na in showbiz. Ang depression, it's an illness, it's a disease. Para siyang kapag may heart problem ka, kailangan mo ng gamot. Kailangan mo ng maintenance. Ganoon din ang depression," kuwento ni Claudine.

"I was diagnosed with anxiety and panic disorder. Ang sakit kapag tinatawag na bipolar ako... sa mga pinagdaanan ko dapat talagang baliw na ako..." dagdag pa ng aktres.

Binash din si Clau noong mga panahong iyon dahil hindi pa ganoon katanggap at kalawak ang pang-unawa ng madla sa depresyon.

Dumating pa sa puntong sa sobrang trauma raw ni Claudine ay kinailangan niyang sumailalim sa rehabilitasyon sa Thailand, hindi dahil sa drugs, kundi dahil sa kaniyang disorder na pinagdaraanan.

"Sa sobrang trauma, kinailangan kong ma-rehab," ani Claudine.

"Na-rehab ka?" tanong ni Ogie.

"In Thailand," sagot ni Claudine.

Dalawang beses pa raw ito nangyari sa kaniya at ang huli ay noong 2019.

"It wasn't because of drugs, it's because of post-traumatic stress disorder, na inayos ng psychiatrist ko na, 'Dito ka pumunta.' It was a beautiful place. Everyday may massage ka, may facial ka once a week, may workout ka everyday, may villa na may swimming pool," kuwento pa ng aktres.

Sa pangalawang punta raw niya, hindi raw niya alam kung bakit "kating-kati" siya umuwi.

Mabuti na lang daw at umuwi siya dahil may nangyari na pala sa kaniyang ama. Aminadong daddy's girl si Claudine kaya nang nasa emergency room ang ama nila ay hindi siya umalis sa tabi nito dahil gusto niyang nakikita ang kalagayan ng amang nakaratay.