Patay ang isang tindera matapos na paulanan ng bala ng 'di kilalang lalaki na nagpanggap pang kostumer at bumili ng sigarilyo sa kanyang tindahan sa Tondo, Manila nitong Miyerkules ng gabi.
Dead on arrival na sa Tondo Medical Center ang biktimang si Rosette de Castro, 40, residente ng 725 Interior 44 Laong Nasa, Brgy. 155, Zone 14, Tondo, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang ulo at katawan.
Nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang dalawang 'di kilalang salarin na ang isa ay inilarawang nasa hanggang 5’6” ang taas at nakasuot ng itim na jacket, itim na short pants at tsinelas habang ang isa pa ay may taas na hanggang 5’7”, nakasuot ng puting t-shirt, kulay grey na jacket, itim na shorts na may red lining at tsinelas.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PSSG Bryan Silvan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, na naganap ang krimen dakong alas-7:45 ng gabi sa loob mismo ng tindahan ng biktima.
Kasalukuyan umanong nagbabantay ang biktima sa kanilang tindahan habang naghahanda naman ng hapunan ang kanyang kinakasama nang dumating ang dalawang 'di kilalang lalaki.
Nagpanggap umanong kostumer ang mga ito at bumili ng sigarilyo bago biglang bumunot ng baril ang isa sa kanila at pinaputukan ang biktima.
Kahit sugatan, nagawa pa umano ng biktima na makatakbo papasok ng kusina upang magtago ngunit sinundan pa rin umano siya ng suspek at muling pinagbabaril.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis nang tumakas ang mga suspek lulan ng isang motorsiklo.
Narekober ng mga awtoridad mula sa crime scene ang isang empty magazine ng 'di pa batid na kalibre ng baril, 14 na fired cartridge cases, tatlong metallic fragments at apat na deformed bullets.
Patuloy ang imbestigasyon sa krimen.