Pukaw-atensyon sa mga residente at netizens sa Bangladesh ang isang pambihirang albino buffalo o puting kalabaw na may kulay-blondeng buhok dahil umano sa pagkakahawig nito kay US President Donald Trump.
Batay sa ulat ng international news outlets, ang nabanggit na kalabaw na may timbang na halos 700 kilogram ay inaalagaan sa isang bukirin sa Narayanganj district malapit sa kabiserang Dhaka.
Tinawag ang hayop na “Donald Trump” dahil sa maputing hibla ng buhok sa noo nito na sinasabing kahawig ng kilalang hairstyle ng dating presidente ng Amerika.
Araw-araw umanong dinarayo ng maraming tao ang naturang farm upang mag-selfie at kumuha ng videos kasama ang kakaibang kalabaw. Mabilis ding naging viral sa social media ang nasabing hayop lalo na ngayong papalapit ang pagdiriwang ng Eid al-Adha.
Ayon sa may-ari ng farm na si Ziauddin Mridha, ang kaniyang nakababatang kapatid ang nagbigay ng pangalang “Donald Trump” sa kalabaw dahil sa buhok nito sa harapang bahagi ng ulo.
Ibinahagi rin ng may-ari na nangangailangan ng espesyal na pag-aalaga ang kalabaw upang mapanatiling malusog ito bago ang Eid al-Adha.
Kabilang dito ang pagpapaligo rito ng apat na beses sa isang araw at pagpapakain nang apat na beses kada araw.
Dahil sa kakaibang anyo at pagiging viral nito online, lalo pang sumikat ang “Donald Trump” buffalo at naging instant celebrity sa kanilang lugar.