Iginiit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagiging legal at kahalagahan ng pagpuputol ng ilang puno sa bansa at pagpapalit sa mga ito.
Sa Facebook post ng DENR - National Capital Region noong Huwebes, Mayo 21, binanggit nilang hindi lahat ng pagpuputol ng puno ay bawal, bagkus, ang iba rito’y mahigpit na pinahihintulutan nang may kaakibat na obligasyon sa batas.
“Hindi lahat ng pagpuputol ng puno ay bawal, ngunit ito ay mahigpit na pinapahintulutan at may kaakibat na obligasyon sa ilalim ng batas,” ani DENR.
Anila pa, sa ilalim ng DENR Memorandum Order No. 2012-02, itinakda ang “Uniform Replacement Ratio for Cut or Relocated Trees,” upang matiyak na ang mga punong puputulin o ililipat ay mapapalitan sa pamamagitan ng tree planting at reforestation.
Pinahihintulutan din ang pagpuputol sa mga sumusunod na kondisyon:
- Pagkakaroon ng kaukulang permit mula sa DENR.
- Delikado o may sakit na ang puno.
- Hindi maiiwasan sa infrastructure projects.
- Hindi praktikal ang earth-balling o paglilipat ng puno.
Samantala, ayon din sa DENR, ang seedling replacement ay hindi lamang mabababawi sa mga naputol na puno, kung hindi makatutulong pa sa “Enhanced National Greening Program” at climate change mitigation efforts ng pamahalaan.
Hinggil pa sa seedling replacement, ibinahagi ng ahensya na 1:100 ang kinakailangang replacement ratio para sa mga puno, kabilang ang mga maapektuhan ng development projects.
Nangangahulugan ito na sa bawat punong mapuputol, kinakailangan magtanim o mag-donate ng 100 seedlings o mga binhi.
Hinggil naman sa uri ng puno na dapat itanim, binanggit ng DENR na mas pinipili rito ang indigenous tree species at lahat ng donated na binhi ay dapat maitala at mai-turnover sa opisina ng DENR para sa monitoring at evaluation.
Gayunman, walang replacement requirement para sa mga punong nakatayo sa mga pampribadong lupain o forest lands na eksklusibong ginagamit bilang plantasyon o timber production.
Sa kaugnay na ulat, lubos ang pagkadismaya ng maraming residente sa Maynila dahil sa higit 200 punong pinutol sa kahabaan ng Quirino Highway para sa konstruksyon ng isang expressway.
Batay sa ilang ulat ng media, isa sa mga punong pinutol ay ang matandang puno ng narra na higit 50 taong gulang na.