Ang kasaysayan ng Pilipinas ay hindi lang mag-isang nilkha ng iisang dakilang tao. Mahalagang kilalanin din ang kontribusyon ng mga taong nasa paligid nila na tiyak na nakaimpluwensiya sa kanilang pagkatao.
Ngayong National Brother’s Day, kilalanin ang mga kapatid na lalaki ng mga tanyag na personalidad sa kasaysayan; ang kani-kanilang kaputol na katuwang sa paglikha ng mga magigiting na sandali.
1. PACIANO AT JOSE RIZAL
Si Paciano ang natatanging kapatid na lalaki ni Jose. Ang siyam na iba pa, puro babae na. Kaya siguro hindi na rin nakapagtataka na naging malapit ang dalawa.
Sa pagitan ng dalawa, hindi maikakaila na mas matunog ang pangalan ni Jose kumpara kay Paciano. Hindi na siya makapagpatuloy pa ng pag-aaral dahil apagdiskitahan umano ng mga paring propeso sa Colegio de San Jose kaya nasipa.
Samantala sa ibang bersyon ng kuwento, sinasabing wala naman daw talagang planong magtapos ng pag-aaral si Paciano. Sa katunayan, may kulang daw siyang grado.
Ngunit kung tutuusin, mas rebelde umano ang nakakatandang kapatid na lalaki ni Jose. Si Paciano umano ang tinutukoy ng ama nito na pinagbawalang sambitin ang salitang “pilibustero” sa pamamahay nila matapos garotehin ang tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gómes, Padre José Burgos, at Padre Jacinto Zamora.
Kaya maaari umanong sabihin na si Paciano ang dahilan kung bakit tumapang si Jose. Pinasiklab niya ang damdaming makabayan ng kaniyang kapatid na naging martir din kalaunan matapos barilin sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896.
2. PROCOPIO AT ANDRES BONIFACIO
Walang iwanan hanggang dulo ang peg ng magkapatid na Procopio at Andres Bonifacio. Magkasamang pinaslang ang dalawa noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Nagpatong na matatagpuan sa Maragondon, Cavite dahil sa paratang na treason o pagtataksil.
Bago ito, magkasamang kumikilos ang magkapatid mula sa pag-oorganisa ng mga barangay hanggang sa pagpapahayag ng himagsikan laban sa mga Kastila noong 1896.
Ikalawa si Procopio sa nakababatang kapatid ni Andres. Isinilang siya noong 1873 sa Tondo, Maynila. Nagsilbi siyang pinuno ng Tanglaw, na sinasabing dalawang una at susing sangay ng Katipunan na itinatag ni Andres sa Tondo.
Malaki ang naging kontribusyon ni Procopio sa imprenta ng Katipunan. Ayon sa tala, hinikayat niya umano ang mga maninisid na sina Candido Iban at Francisco del Castillo na ibahagi para dito ang napanalunan sa lotto nang minsan niyang makasakay sa barko ang dalawa.
3. JUAN AT ANTONIO LUNA
Bagama’t nasa magkaibang larangan, kapuwa nagbigay ng karangalan sa bayan ang magkapatid na Juan at Antonio Luna.
Sa pamamagitan ng pinta niyang “Spoliarium” noong 1884, itinanghal ni Juan ang talentong Pinoy sa pandaigdigan entablado matapos nitong manalo ng gintong medalya sa Exposición Nacional de Bellas Artes sa Madrid.
Ngunit higit sa rikit at ganda ng "Spoliarium," nagsisilbi rin itong alegorya sa opresyon ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila.
Ilan pa sa mga pinta ni Luna ay ang "The Parisian Life," "Espana y Filipinas," "The Death of Cleopatra, "The Blood Compact," at iba pa.
Samantala, nakilala naman si Antonio sa larangan ng pakikidigma bagama’t pharmacy ang pinag-aralan niya sa kolehiyo. Siya lang naman ang namuno sa hukbong sandatahan ng Himagsikang Pilipino at naging pangalawang kalihim pa ng giyera sa Republika ng Malolos.
Ayon sa historyador na si Gregorio Zaide, si Antonio ang “greatest general of the Philippine Revolution.” Sabi naman ng kapuwa nito heneral na si Jose Alejandrino, “The best general ever produced by the war against the Americans.”
Kaya naman masasabing may “K” si Antonio para itatag ang unang akademya militar sa Pilipinas.
4. JOSE AT PEDRO ABAD SANTOS
Kapuwa nagpamalas ng husay sa paggogobyerno at pamamahala ang magkapatid na Jose at Pedro Abad Santos.
Nagtapos ng abogasya si Jose sa Santa Clara College at Northwestern University sa Illinois noong 1908. Nang sumunod na taon, nag-master naman siya sa batas sa George Washington University.
Dalawa sa malalaking tungkuling ginampanan ni Jose ay ang pagigng Acting President ng Pilipinas at ikalimang punong mahistrado ng Korte Suprema.
Noong Mayo 2, 1942, hinatulan ng parusang kamatayan si Jose dahil sa pagtanggi nitong makipagtulungan sa pamahalang Hapon.
Bago barilin, inalo niya ang anak na si Pepito at sinabing “Huwag kang umiyak. Ipakita mo sa mga táong ito na matapang ka. Isang karangalan ang mamatay para sa iyong bayan.”
Samantala, ang panganay namang si Pedro ay naunang mag-aral ng medisina bago pumasok sa pag-aabogasya. Nang pumasa siya sa bar exam, nagsimulang gumulong ang karera niya sa politika.
Naging justice of the peace siya sa kaniyang bayan sa Pampanga mula 1907 hanggang 1909. Nang sumunod na taon, konsehal naman. Nagsilbi rin siyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Philippine Assembly.
Ngunit nang matalo sa pagka-gobernador, hindi na siya naglingkod sa pamahalaan. Noong 1932, itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas. Siya rin ang nagtayo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1938 at nahala na Bise-Presidente nito.
5. TOMAS AT MANUEL EARNSHAW
Tubong Cavite ang magkapatid na Tomas at Manuel Earnshaw na pawang mga mestiso tulad ni dating Pangulong Manuel Quezon. Pinaniniwalaang malaki ang naging kontribusyon ng magkapatid sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas noong ika-19 na siglo.
Nag-aral si Tomas ng high school sa Ateneo Municipal at pagkatapos ay sumailalim sa inhinyerong pagsasanay sa show ng ama niya.
Hanggang sa maging maquinista siya sa iba't ibang interisland vessels. Kalaunan, nagsilbi siyang chief engineer ng Boyle and Earnshaw Shops noong 1899. Umunlad pa itong lalo at naging Manuel Earnshaw & Co at nagsilbing pangunahing pagawaan ng makina ng mga sasakyang pandagat sa Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano.
Samantala, hindi naman nagpadaig ang utol niyang si Manuel na nagkaroon din ng magandang academic record bilang estudyante. Kaya hindi nakapagtataka na nakakuha siya ng marine engineering degree mula sa Manila Nautical School.
Ayon sa retiradong diplomat na si Virgilio Reyes, Jr., kapuwa naglingkod ang magkapatid na Earnshaw sa publiko noong magsimula ang pamahalaang Commonwealth sa bansa hanggang sa maitatag ang Republika ng Pilipinas. Nakisimpatya rin sila sa Himagsikang Pilipino sa unang bugso nito.