May 24, 2026

Home BALITA

3 lugar na posibleng pinagtataguan ni Sen. Bato, tinitiktikan na ng NBI!

3 lugar na posibleng pinagtataguan ni Sen. Bato, tinitiktikan na ng NBI!
Photo courtesy: MB file photo

Bumuo na ng mga tracking team ang National Bureau of Investigation (NBI) at tinututukan na umano ang tatlong posibleng lokasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng isang radio news program kay NBI Director Melvin Matibag, iginiit niyang hindi niya matitiyak kung kailan eksaktong maaaresto si Dela Rosa, ngunit nagpapatuloy umano ang operasyon ng mga awtoridad.

“What I can share without giving the specific details is there are three areas na amin pong binabantayan, I’m asking help from other personalities and agencies na nasa intelligence network para tulungan kami,” ani Matibag noong Sabado, Mayo 23, 2026.

Ayon pa sa opisyal, agad niyang binuo ang tracker teams matapos maglabas ng kautusan ang Department of Justice (DOJ) para ipatupad ng mga law enforcement agencies ang warrant.

Nauna nang sinabi ni Matibag na may opsyon si Dela Rosa na kusang sumuko sa mga awtoridad, bagamat aminado siyang duda siyang mangyayari ito.

Politics

Makukulong sa 2028? TikTok video ni Sen. Win, umani ng reaksiyon!

“That's why I'm always appealing if I have an opportunity to Senator Bato to surrender kung saan na siyang sumuko at harapin niya yung kanyang hinaharap na kaso sa ICC. Pero by the looks of it, baka wala siyang balak sumuko dahil nandyan siya na nga sa Senado, bigla pang wala. Sabi ko nga, huli na, naging Bato pa,” dagdag niya.

Kinumpirma rin ng NBI na may impormasyon silang posibleng may mga panibagong warrant pang ilalabas ang ICC laban sa iba pang personalidad na may kaugnayan umano sa kaso.

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na bagama’t wala pang opisyal na impormasyon ang Malacañang hinggil sa mga bagong warrant, hindi umano ito nakapagtataka.

“Sa ngayon wala pang binababang impormasyon kung meron man, pero hindi ito katakataka kung meron man dahil marami pang co-perpretrators na nabanggit ang ICC,” ani Castro sa panayam sa DZMM nitong Linggo, Mayo 24.

Binigyang-diin din ni Castro na malinaw umano ang posisyon ng pamahalaan na ipatupad ang anumang warrant mula sa ICC alinsunod sa direktiba ng DOJ.

“Hindi kailangan dumaan sa local court, meron tayong RA 9851 nakasaad doon kung anong opsyon ng gobyerno maliwanag ito. At international court ang pinaguusapan natin dito at hindi requesting state at yun naman ay wala tayong nilalabag na batas,” paliwanag niya.

Hinimok din ni Castro ang mga indibidwal na tinukoy umano ng ICC bilang mga co-perpetrators sa crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Duterte na kusang sumuko kung may ilalabas na warrant laban sa kanila.