Halo-halong komento, reaksiyon, at pahayag ang ibinahagi ng netizens sa video na ini-upload ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian sa kaniyang TikTok account kamakailan.
Paano ba naman kasi, ginamit ni Sen. Win ang “My Life in 3 Years” feature ng TikTok, kung saan tila magbabahagi ito ng tatlong kaganapan na mangyayari sa tao sa loob ng susunod na tatlong taon.
Sa kaso ni Sen. Win, ipinakita ng feature ang mangyayari umano sa kaniya sa 2026, 2027, at 2028.
Sa taong 2026, lumabas ang paparazzi.
“Paparazzi, sa trabaho ko ‘yan,” saad ni Sen. Win.
Sa 2027 naman, lumabas ang “skydiving.”
“Puwede kong gawin ‘yan,” aniya.
Sa 2028, natawa na lamang ang mambabatas matapos lumabas ang isang lalaking nakaposas habang nakahawak sa rehas ng kulungan.
“Ayan, makulong. Flood control, pero hindi ako kasali diyan,” depensa ni Sen. Win.
Maging ang mga kasama ng mambabatas sa background ay natawa rin sa lumabas na resulta.
Umani naman ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens.
“pati filter alam na alam ahh”
“gumawa ka naman ng tama”
“after 3yrs hindi kana senador”
“tama Yung last ah”
“balikan ko to sa 2028”
“bakit wlaang balimbing? kain suka?”
“hahaha natawa Po Ako dun sa huli picture naniniwala Po kme Hindi kyo ksali Jan”
“Importante senator win hindi ka kasali kasi nakikita namin kung pano pinaglalaban ang katotohanan. Naapprrciate ng maraming Pilipino yun.”
“Parang ibang senador po ung pangatlo”
Matatandaang hindi naman nadawit ang pangalan ng mambabatas sa iba’t ibang isyu kagaya ng flood control at korapsyon.
Gayunpaman, ang pinakamatunog na usapin patungkol kay Sen. Win ay ang maugong na pagtulak sa kaniya bilang susunod na senate president.