Namumukadkad mula sa mga palamuting bulaklak ang mga kalsada sa bansa dahil sa makulay na selebrasyon ng Flores de Mayo, na kinikilala rin bilang “Queen of Philippine Festivals.”
Parte nito ang grandeng Santacruzan na nagsisilbing “culmination” o grand finale ng buong selebrasyon, kung saan tradisyon na sa mga komunidad na iparada ang kuwento ng paghahanap at pagkakatagpo ni Reyna Elena sa krus na pinagpakuan kay Hesus.
KAUGNAY NA BALITA: Ano ang pagkakaiba ng ‘Flores de Mayo’ at ‘Santacruzan?’
Bukod kay Reyna Elena, na ina ni Emperor Constantine the Great, na dumayo pa sa Herusalem para sa Banal na Krus, narito ang ilan pa sa mga karakter sa Santacruzan na bumubuo sa makasaysayang istorya sa likod ng Santacruzan:
Methusela
Siya ang pinakamatandang namumuhay sa lupa, na naghahalo ng buhangin at bato sa isang malaking palayok hanggang sa masunog ang mga ito.
Ang paghahalo at pagsusunog na ito ay sumisimbolo sa pagbabalik ng buhay sa abo.
Reina Banderada
Siya ay dalagang nakadamit ng pula at may dalang dilaw na watawat na hugis tatsulok.
Simbolo niya ang pagyabong ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Reina de las Aetas
Siya ang representasyon ng Pilipinas bago pa maipakilala rito ang relihiyong Kristiyanismo.
Noong mga panahon ding iyon, ang mga aeta ang kinikilalang pagano ng mga Espanyol.
Reina Mora
Siya ang nagrerepresenta sa relihiyong Moro, na dominanteng relihiyon sa Pilipinas bago maipakilala ang Kristiyanismo.
Reina Fe
Siya ang sumisimbolo sa matatag na pananampalataya ng mga Pinoy at may dala siyang krus upang ipakita ang representasyong ito.
Reina Esperanza
Siya ang sumisimbolo sa pag-asa ng mga Pinoy at upang maipakita ang representasyong ito, may dala siyang anchor o angkla.
Reina Caridad
Siya ang sumisimbolo sa pagmamahal na taglay ng mga Pilipino at upang maipakita ito, may dala siyang hugis puso.
Reina Abogada
Siya ang nagsisilbing tagapagtanggol ng mga mahihirap at api.
Kaya siya may suot na itim na damit at may dalang malaking libro.
Reina Sentenciada
Siya ang nagrerepresenta sa mga inosenteng pinatawan ng parusa dahil sa mga kasalanang hindi nila ginawa.
Upang mas maipakita ito, mayroon siyang kasamang dalawang romanong sundalo.
Reina Justicia
Representasyon niya ang “reflection of righteousness” na nangangahulugang ang batas ay patas para sa lahat.
Dala niya ang mga espada at timbangan bilang simbolo ng hustisya.
Reina Judith
Siya ang nagligtas sa kaniyang lungsod na Pethulia sa pamamagitan ng pagpupugot sa ulo ni Heneral Holofornes ng Assyria.
Upang maipakita ito, may dala siya espada.
Reina Sheba
Siya ang reynang bumisita kay Haring Solomon upang subukin ang kurunungan nito.
Kalauna’y namangha siya hindi lamang sa katalinuhan ng hari, kung hindi pati na rin sa kaniyang yaman at kapangyarihan.
Kaya may dala siyang gintong kahon.
Reina Esther
Siya ang reynang Hudyo na nagligtas sa kaniyang mga kababayan mula sa kamatayan dahil sa kaniyang interbensyon kay Haring Xerxes.
Dala niya ang setro na may Bituin ni David.
Babaeng Samaritana
Siya ang nagdala ng tubig kay Hesus sa balon sa kabila ng hidwaan sa pagitan ng mga hudyo at samaritano noong mga panahong ito.
Veronica
Siya ang babaeng nagpunas sa pawis at dugo sa mukha ni Hesus gamit ang kaniyang bandana.
Maria ng Betania
Siya ang isa sa mga disipolong kasama sa kalbaryo noong ipinako na si Hesus sa krus.
May dala siyang bote ng pabango na ibinuhos sa katawan ni Hesus noong namatay Siya.
Maria Ina ni Santiago
Isa sa mga pinakamalapit na kapamilya ni Maria Ina ni Hesus at may dala siyang boteng naglalaman ng langis.
Maria Ina ni Hesus
Siya ang birheng nagdalang tao kay Hesus.
May dala siyang panyo na simbolo ng kaniyang pagluluksa sa pagkamatay ni Hesus.
Reina de las Estrellas
Kilala siyang tagapagpadala ng kaliwanagan sa mga nababalisa.
Siya ay may dalang tungkod na nagniningning upang irepresenta ito.
Reina Paz
Kilala rin bilang “Queen of Peace” o reyna ng kapayapaan, siya ay may hawak na puting kalapati na nagrerepresenta sa Espiritu Santo o Holy Spirit.
Reina Consolacion
Siya ang kinikilalang tagapagbigay ng pag-asa sa lahat ng napapagal.
Kasama ang mga anghel, tumutulong sila sa mga mahihirap na bata patungo sa kanilang maliwanag na hinaharap.
Reina Verdad
Kinikilala bilang “Queen of Truth” o reyna ng katotohanan, siya ay may dalang Bibliya, na simbolo ng mabuting balita para sa mga taong sumusunod sa mga katuruan ng Panginoon.
Reina Vida
Kinikilala bilang “Queen of Life” reyna ng buhay, siya ay may dalang imahe ni Niño Hesus, na simbolo ng proteksyon sa buhay ng lahat ng nilalang sa mundo.
Reina del Cielo
Kinikilala bilang “Queen of Heaven” o reyna ng kalangitan, siya ay may dalang bulaklak at may dalawang anghel sa kaniyang tabi.
Reina de las Propetas
Kinikilala bilang “Queen of Prophet” o reyna ng mga propeta, siya ang representasyon ng Birheng Maria, na kumatawan sa propesiyang magdadalang tao kay Hesus bilang “Emmanuel” at tagapagligtas ng mundo.
Reina de las Virgenes
Siya ang representasyon ng Birheng Maria bilang ehemplo ng kalinisang-puri o chastity.
Upang mas maipakita ito, may kasama siyang dalawang anghel.
Reina de los Angeles
Kinikilala bilang “Queen of Angels” o reyna ng mga anghel, siya ay may kasamang dalawang anghel na sumisimbolo sa kapayapaan para sa mga tagasunod ng Panginoon.
Reina de las Flores
Kinikilala bilang “Queen of Flowers” o reyna ng mga bulaklak, siya ang sumisimbolo sa pagkababae sa selebrasyon ng Flores de Mayo.
May dala siyang mga bulaklak na sumisimbolo ng pagrespeto at pagpapahalaga sa Birheng Maria.