Pinupulot mo ba ang mga baryang nakikita mo sa daan? Marahil, narinig mo na rin ang birong hindi mabubuo ang isang milyon kung wala ang piso.
Ngayong Mayo 23, ipinagdiriwang ang "National Lucky Penny Day," isang kakaibang selebrasyong nakatuon sa paniniwalang may dalang suwerte ang napupulot na barya sa kalsada.
Batay sa tradisyong popular sa Amerika at iba pang bansa, pinaniniwalaang malas kapag hindi pinulot ang baryang nakatihaya ang ulo o “heads up.”
Dito rin nagmula ang sikat na kasabihang, “Find a penny, pick it up, all day long you’ll have good luck.”
Ayon sa mga tala at artikulo, nagsimula ang paniniwala sa “lucky penny” noong sinaunang panahon kung saan itinuturing na regalo ng mga diyos ang mga metal tulad ng tanso na pinaniniwalaang panlaban sa malas at masasamang espiritu.
Sa kasaysayan naman ng penny, iniulat na si Benjamin Franklin umano ang nagdisenyo ng kauna-unahang American penny noong 1787. Ang unang disenyo nito ay may katagang “Mind Your Business.”
Bukod sa simpleng paniniwala sa suwerte, naging simbolo rin umano ang penny ng pag-asa lalo na noong panahon ng Great Depression sa Amerika, kung kailan mahalaga kahit ang pinakamaliit na halaga ng pera.
Ngayong National Lucky Penny Day, marami ang hinihikayat na mag-ipon o mag-donate ng mga baryang matatagpuan nila. May ilan ding gumagawa ng mga laro, scavenger hunt, at art projects gamit ang mga lumang barya bilang bahagi ng selebrasyon.
Kaya naman para sa mga Pilipinong naniniwala sa suwerte, baka oras na para silipin ang ilalim ng bulsa, sofa, o kalsada, dahil baka nariyan na ang inyong “lucky penny” na magdadala ng magandang kapalaran ngayong araw!