May 24, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Ilang senior citizens na umaariba pa rin sa running era!

KILALANIN: Ilang senior citizens na umaariba pa rin sa running era!
Photo courtesy: PEXELS

Sa maraming tao, ang pagdating ng edad na 60 ay panahon na para magpahinga, manatili sa bahay, at namnamin ang bunga ng mahabang taon ng pagtatrabaho. Ngunit para sa ilang nakatatanda, ang pagtanda ay hindi hadlang upang manatiling aktibo. 

Sa halip, mas pinili nilang alagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagtakbo—at ngayo’y kinikilala bilang inspirasyon sa running community.

Ceasar Lledo

Isa na rito si Tatay Caesar Lledo, na natuklasan ang pagmamahal sa pagtakbo noong 2014 habang nasa Macau, China. Ayon sa kaniya, naengganyo siyang tumakbo dahil sa kanilang Chaplain doon. Sa tulong ng kanyang hija at nobyo nito, nagsimula siyang sumali sa mga running event gaya ng Milo Manila Eliminations Run. 

Bilang isang driver at kargador ng CYJ Balloons & Party, naging paborito niya ang pagsali sa mga half marathon. Hindi rin niya malilimutan ang kanyang pinakamagandang karanasan noong 2017 nang matapos niya ang 55K Ultra Marathon sa oras na 8 oras, 20 minuto at 57 segundo, kung saan pumuwesto siya bilang ika-77 sa 250 kalahok.

Mga Pagdiriwang

Malas daw kapag hindi pinulot ang baryang nakatihaya ang ulo, bakit?

Crispin Benares

Samantala, si Tatay Crispin Benares ay nagsimulang tumakbo noong Mayo 2012 sa edad na 62. Dating office employee, ngayon ay masayang tinatamasa ang retirement life habang nananatiling aktibo sa pagtakbo. Sa edad na 67, isa sa pinakamahabang natakbo niya ay ang 85K Rizal to Laguna to Quezon ultra marathon event—isang patunay na hindi kailanman hadlang ang edad sa pagtupad ng personal na hamon.

Rustico Martinez

Para naman kay Tatay Rustico Martinez, mas maaga niyang natuklasan ang mundo ng running. Nagsimula siyang tumakbo sa edad na 34 nang sumali siya sa unang Mini Olympic tournament ng Colgate Palmolive Philippines. Mula noon, hindi na siya tumigil sa pagtakbo at pag-eensayo. Ang retiradong operator technician ay umabot na sa 50K distance run, ngunit ayon sa kaniya, ang paborito niyang takbuhin ay ang 21K half marathon.

Rosalinda Ogsimer

Hindi rin pahuhuli si Rosalinda Ogsimer, isang 70-anyos na babaeng runner na nagsimulang sumali sa 5K races noong 2012. Bukod sa pagtatrabaho sa dental clinic ng kaniyang asawa, nagagawa pa rin niyang pagsabayin ang trabaho at passion sa pagtakbo. Sa kasalukuyan, ang pinakamahabang natakbo niya ay 55K, habang paborito naman niya ang 21K at 42K marathon races.

Willy Yao

Isa rin sa pinakakilala sa running community si Willy Yao, na mas kilala ngayon bilang “100 Marathon Man” matapos makumpleto ang kaniyang ika-100 marathon sa 41st Milo Marathon. 

Nagsimula ang kaniyang pagmamahal sa pagtakbo noong kanyang kabataan, ngunit ang una niyang full marathon ay noong 1988 sa Philippine Airlines International Marathon. Hindi lamang sa Pilipinas siya nakilala dahil naging kinatawan din siya ng bansa sa prestihiyosong Boston Marathon noong 1995, kung saan nagtala siya ng oras na 3 oras at 16 minuto. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang nagbibigay-inspirasyon sa mga kapwa runner habang dinaragdagan pa ang kanyang kahanga-hangang rekord.

Victor Ting

Samantala, si Victor Ting o mas kilala bilang “Master Ting” sa kaniyang mga kaibigan ay may pinakamahabang natakbo na 160K sa 2012 Bataan Death March (BDM160). Natapos niya ito sa loob ng 29 oras, 2 minuto at 54 segundo at pumuwesto bilang ika-36 sa 54 runners. Ang retiradong businessman at photographer ay mahigit 35 taon nang tumatakbo at aminadong full marathon at ultramarathon ang kaniyang paboritong distansya.

Patunay ang mga senior runners na ito na hindi sukatan ang edad upang maging malusog at aktibo. Sa halip, ipinapakita nila na posible pa ring abutin ang mga fitness goals kahit sa panahon ng retirement. Habang patuloy silang nagbibigay-inspirasyon sa komunidad, isang mahalagang aral ang kanilang ipinapaalala—na hindi kailanman huli ang lahat para magsimula.

Tulad nga ng sinabi ni Tatay Victor Ting: “It’s never too late to start, you can start now.”