Patay ang isang lalaki nang bayaran siya ng saksak ng isang suspek na sinisingil niya sa utang sa Rodriguez, Rizal nitong Martes ng gabi.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang biktimang nakilala lang na si Manuel del Socorro dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Arestado at nakapiit na ang mga suspek, na kinilala lang na sina alyas ‘Jojo’ at alyas ‘Jomar,’ at mahaharap sa kasong pagpatay sa piskalya.

Sa initial report ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa tahanan ni alyas ‘Jojo,’ sa Evangelista St., Phase 1A, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, sa Rodriguez.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Nauna rito, pinuntahan umano ng biktima, kasama ang testigo, si 'Jojo’ upang singilin sa utang nito.

Sa halip namang magbayad, nagalit ang suspek at sinabihan ang biktima na hindi na magbabayad ng utang.

Tinakot pa umano niya ang biktima na maglalabas siya ng baril.

Gayunman, sa halip na baril ay isang screw driver umano ang nadampot ng suspek at saka pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa halip namang umawat, tinulungan pa ni ‘Jomar’ si Jojo’ sa ginagawa nito at sinuntok ang biktima.

Nang makitang duguan na ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek.

Isinugod naman ng mga saksi ang biktima sa Infirmary Clinic ngunit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas dakong alas-8:30 ng gabi.

Boluntaryo namang isinuko ng kanilang mga pamilya ang mga suspek, at isinurender ang screw driver na ginamit sa pagpatay.