May 21, 2026

Home BALITA National

Kiko Barzaga, 'no' ang boto sa impeachment; VP Sara, sure win na raw!

Kiko Barzaga, 'no' ang boto sa impeachment; VP Sara, sure win na raw!
Photo courtesy: Kiko Barzaga (FB), MB

Idiniin sa publiko ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na hindi raw siya boboto ng “yes” sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte dahil malinaw raw na “sure win” o sigurado na ang pagkapanalo ng huli bilang Pangulo sa 2028. 

Nakatakda ngayong Lunes, Mayo 11, 2026, na ganapin ang botohan sa plenaryo ng House Committee on Justice sa impeachment laban kay VP Sara. 

Matatandaang nauna nang aprubahan ng House Committee on Justice noong Mayo 4 sa botong 55-0 ang pagsusulong ng reports at articles ng impeachment laban kay VP Sara sa House plenary.

Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.

KAUGNAY NA BALITA: Konsensya n’yo na lang: Rep. Luistro, may paalala sa mga boboto sa impeachment!

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ayon naman sa naging pahayag ni Barzaga sa naging pagdalo niya sa event ng Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE) Coalition sa Cebu, Visayas, noong Linggo, Mayo 10, pinatutsada niyang marami na naman daw mambabatas na bobotong “yes” sa impeachment ang yayaman. 

“Botohan na para sa impeachment at alam ko… may mga boboto ng ‘yes’. Mga mayayaman na naman,” pagsisimula niya. 

Paglilinaw ni Barzaga, hindi raw siya papabor sa impeachment dahil naniniwala raw siyang mananalo bilang Pangulo sa 2028 si VP Sara.

“Pero para sa atin, syempre ‘no’ vote tayo dahil ang kinabukasan ng Pilipinas ay Duterte 2028,” ‘ika niya. 

Ani Barzaga, mukha raw sure win na si VP Sara sa Cebu at Cavite ngunit kailangan pa raw nilang paramihin pa ang kanilang bilang para masiguro ang pagkapanalo ng Bise sa susunod na eleksyon. 

“Mukhang sure win na ang Duterte sa Cebu at sure win na sila sa Cavite. But we have to expand, we have to grow our numbers,” aniya. 

“Today ang dami natin, bukas mas dadami pa tayo, and sa 2028 sure win na [at] landslide victory tayo,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman nagsisimula ang Kamara sa kanilang plenaryo para pagbotohan ng mga miyembro nilang ang impeachment case laban kay VP Sara. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kung ma-impeach: 'Yan ay sinulat na ng Diyos'