Tila nakahandang tanggapin ni Vice President Sara Duterte kung ma-impeachment o masibak man siya puwesto dahil iyon daw ang isinulat ng Diyos sa kaniyang kapalaran.
Matatandaang inaprubahan na ng House Committee on Justice noong Lunes, Mayo 4, 2026, sa botong 55-0 ang pagsusulong ng reports at articles ng impeachment laban kay VP Sara sa House plenary.
Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: 'Baka doon siya mamatay:' VP Sara, tikom sa usaping impeachment kay FPRRD
Ayon naman sa naging pahayag ni VP Sara sa naging panayam sa kaniya ng media noong Martes (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 6, sinabi niyang nagpapasalamat daw siya sa mga taong sumusuporta pa rin sa kaniya simula pa noong 2016, 2019, at 2022.
“Nagpapasalamat ako dahil noong ako ay nag-announce na tatakbo akong Pangulo… lahat ng mga supporters galing 2016, 2019, 2022, nandiyan pa rin sila lahat,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Solid na naniniwala at nagtitiwala. ‘Yon ‘yong unang [pinagpapasalamat] ko.”
Ani VP Sara, nagpapasalamat din daw siya sa mga taong naglalahad ng kanilang oposisyon sa pag-usad impeachment case laban sa kaniya.
“‘Yong pangalawang pagpapasalamat ko ay ‘yong kanilang suporta sa akin ngayon na humaharap sa impeachment na gawa-gawa ng House of Representatives at syempre sinusuportahan ng iba pang mga senators,” aniya.
Diin pa niya, “Merong mga kababayan natin na lumalabas na… pinapahayag na nila publicly ‘yong opposition nila sa impeachment. Nagpapasalamat ako sa kanila.”
Pagpapatuloy ni VP Sara, napag-usapan daw nila ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na isinulat ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa buhay ng isang tao.
“Base din sa discussion namin kanina ni Pangulong Duterte, lahat ng mga nangyayari sa buhay ng isang tao ay sinulat ‘yan ng Diyos,” saad niya.
Dahil umano rito, ituturing niya raw na isinulat ng Diyos ang mangyayari sakali mang ma-impeach sa puwesto bilang Bise.
“Kung ma-impeach ako, ‘yan ay sinulat na ng Diyos. Kung hindi man ako ma-impeach, see you tomorrow,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Iniwan na ako ng mga kaibigang politiko pero 'di ako iniwan ng mga kababayan!'—VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umaasang may presidential election sa 2028