May 18, 2026

Home BALITA National

'Baka doon siya mamatay:' VP Sara, tikom sa usaping impeachment kay FPRRD

'Baka doon siya mamatay:' VP Sara, tikom sa usaping impeachment kay FPRRD
Photo courtesy: File Photo

Inihayag sa publiko ni Vice President Sara Duterte na hindi umano niya kinukuwento sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaganapan sa pag-usad ng impeachment case laban sa kaniya sa House of the Representatives. 

Matatandaang inaprubahan na ng House Committee on Justice noong Lunes, Mayo 4, 2026, sa botong 55-0 ang pagsusulong ng reports at articles ng impeachment laban kay VP Sara sa House plenary.

Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.

KAUGNAY NA BALITA: 'Iniwan na ako ng mga kaibigang politiko pero 'di ako iniwan ng mga kababayan!'—VP Sara

Ayon naman sa naging pahayag ni VP Sara sa panayam sa kaniya ng media noong Martes (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 5, sinabi niyang hindi niya binabanggit kay FPRRD ang tungkol sa usapin ng impeachment laban sa kaniya. 

National

'Ito na 'yong pagkakataon natin!' Sen. Bong Go, magiging 'impartial' bilang senator-judge

Pagtitiyak niya, “So hindi niya alam na merong pangalawang posibleng impeachment na mangyayari.” 

Anang Bise, hindi na raw dapat pang malaman ng kaniyang ama ang ganoong mga klase ng abuso dahil baka labis na mag-isip ang 81-anyos na si FPRRD. 

“Kasi, sa tingin ko, hindi na niya kailangang malaman ang mga ganiyan na klase na abuse. Kasi wala din naman ‘yong value sa kaniya,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Nandoon lang siya sa loob. Ang mangyayari lang doon ay mag-iisip siya tapos mag-ooverthink siya [nang] siya lang mag-isa. Hindi siya karapat-dapat para sa isang 81 year old. Dapat ang alam niya ay ‘yong mga happy na bagay.” 

Ani VP Sara, inaalala raw lalo niya na baka sa detention center ng International Criminal Court (ICC) bawian ng buhay si FPRRD kung labis pang mag-iisip ang huli. 

“Lalo at nag-iisip tayo na baka nga diyan siya bawian ng buhay sa loob, diyan siya mamatay sa loob ng detention” diin niya. 

“So dapat ang maaalala niya at maiisip niya ay ‘yong masasayang bagay. Hindi ‘yong mga kalokohan, korapsyon, at abuso ng mga congressman at iba pang politiko kasama na ang administrasyon,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umaasang may presidential election sa 2028