May 22, 2026

Home BALITA Metro

Matapos tuluyang maapula: PBBM, ipinag-utos 24/7 monitoring ng Navotas landfill

Matapos tuluyang maapula: PBBM, ipinag-utos 24/7 monitoring ng Navotas landfill
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na inatasan niya na ang ilang concerned agencies upang antabayanan ang sitwasyon ng kaaapula lamang na Navotas Landfill.

Sa isang anunsyo na ibinahagi ni PBBM sa kaniyang official at verified Facebook page noong Linggo, Mayo 10, isiniwalat niya ang umano’y tuluyang pagtigil ng sunog sa nasabing landfill.

“Tuluyan nang naapula ang sunog sa Navotas landfill,” saad ni PBBM sa kaniyang post.

Kinilala niya rin ang aniya’y walang-humpay na pagkilos ng iba’t ibang opisina at departamento upang maantala ang posibleng labis na epekto ng sunog.

“Sa loob ng mga nakaraang mga linggo, walang tigil ang trabaho ng ating mga bumbero, [Local Government Unit] LGU, environmental teams, [Department of Public Works and Highways] DPWH, [Department of Transportation] DOTr at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kasama ang pribadong sector tulad ng San Miguel Corporation, Prime Infra at SM Prime upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon at higit sa lahat, masiguro ang kaligtasan ng mga residenteng nakatira sa mga karatig na komunidad,” aniya.

“Nagpapasalamat din tayo sa dagdag na suporta at technical assistance ng Japanese Government,” dagdag pa niya.

Giit ng Pangulo, hindi natatapos ang pag-aksyon sa pagkakaapula ng apoy, kung kaya’t inilahad niya ang patuloy ang monitoring sa nasabing sanitary landfill.

“Ngunit hindi dito nagtatapos ang ating trabaho. Inatasan ko na ang mga kinauukulang ahensya na ipagpatuloy ang 24/7 monitoring sa lugar kabilang ang air at water quality testing, thermal scanning upang matiyak na wala nang natitirang hotspots, at health monitoring para sa mga residenteng naapektuhan at sa ating mga responders,” anang Pangulo.

“Ang pinakamahalaga ngayon ay masigurong ligtas ang ating mga kababayan at tuluyang makabalik sa normal ang mga komunidad sa paligid ng Navotas,” pagtatapos ni PBBM.

Matatandaang nagdulot ng matinding usok at alarma ang pagkasunog ng Navotas Sanitaty Landfill, na siyang umabot pa sa mga karatig-siyudad at lalawigan ng nasabing lungsod.

KAUGNAY NA BALITA: Usok na sumiklab sa Navotas landfill, umabot na sa Bataan-Balita