LINGAYEN, PANGASINAN -- Natagpuang lumulutang sa ilog ang bangkay na isang estudyanteng babae sa Sitio San Gabriel, Brgy. Balangobong ng bayang ito nitong Linggo ng gabi, Marso 10.

Sa ulat mula kay Police Colonel Jeff  Fanged, Provincial director ng Pangasinan PNP, ang biktima ay kinilalang si Alyssa Manzano Bolasoc, 21-anyos, 3rd year college student sa Pangasinan State University (PSU), at residente ng Brgy. Balangobong.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Dagdag pa ng ulat, natagpuan ng isang concerned citizen na si Rowel Suicon Rabino, 27-anyos, ang bangkay ni Bolasoc nang tingnan niya umano ang kaniyang lambat na ginagamit sa panginigisda.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad na naging sanhi ng pagkakaaresto ng suspek na si Jessie Aquino Soriano, 32-anyos, installer ng solar panel.

Samantala, hinihinala ng awtoridad na ginahasa umano ng suspek ang biktima. Gayunman, hindi pa natutukoy ng awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ni Bolasoc.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Lingayen Police si Soriano at inihahanda na umano ang kaukulang kaso laban dito, ayon sa imbestigador na si PCPl. Eric Quimson at PCPl. Christopher Rey Mariano.