Tambak na ang gawain para sa unang empleyado ng Maharlika Investment Corporation (MIC) dahil sa lahat ng mga kailangang asikasuhin upang patakbuhin ang isang bagong tatag na korporasyon. Gayunpaman, hindi ito alintana ni Rafael “Joel” Consing Jr., presidente at chief executive officer (PCEO) ng MIC, dahil nakatutok siya sa kaniyang bisyon para sa Maharlika.

Ibinahagi niya sa akin ang mga hirap ng pagpapatakbo ng isang bagong korporasyon at kung paano ito naiiba sa mga startup na nagawa niyang itayo noon ngunit sa tulong ng kaniyang mga co-founder. Para sa MIC, bagama’t may Board of Directors na sumusuporta sa kaniya, tungkulin niya ngayon ang mabuo ang grupo na magpapatakbo nito.

“We want to put the right people in place, but at the same time [the country has] all these needs that are out there that we need to respond to. We’re managing that simultaneously,” ani Consing. Idinagdag pa niya na umaasa silang maanunsyo sa susunod na apat hanggang limang buwan ang unang commitment ng MIC, na maaaring sa sektor ng enerhiya, imprastraktura, o agrikultura.

Idinagdag pa niya ang kaniyang pagnanais na maabot ang mas maraming Pilipino, hindi lamang ang mga mayayamam at uring manggagawa, kundi maging ang masa, upang maipaliwanag sa kanila na ang ginagawa ng MIC ay magiging kapaki-pakinabang sa kanila.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ipinaliwanag ni Consing na habang ang Maharlika Investment Fund (MIF) ay nilikha upang maging isang sovereign wealth fund, ito ay kikilos muna bilang isang national development fund (NDF), sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Nangangahulugan ito na ang lahat ng pamumuhunan sa ngayon ay sa loob lamang ng bansa.

Ipinaliwanag pa niya na bilang isang NDF, ang Maharlika ay pangmatagalan o multigenerational sa pananaw, mas malawak ang sakop sa aspeto ng mga sektor, at collaborative ito.

Kabilang sa mga sektor para sa pamumuhunan na tinitingnan ng MIC ay ang sektor ng imprastraktura, na kinabibilangan ng pisikal, digital, at panlipunang imprastraktura; seguridad sa enerhiya, lalo na ang renewable energy; agrikultura, partikular na ang agro-forestry industrial urbanism; turismo; pagproseso ng mineral; at aviation at aerospace.

Ang imprastraktura ay kabilang sa mga prayoridad dahil ang mga ito ay mahalaga sa bansa, kung isasaalang-alang ang heograpikal na estraktura nito na may higit sa 7,000 mga isla. Ang mga kalsada, tulay, at paliparan ay hindi lamang mag-uugnay sa mga komunidad ngunit susuportahan din ang pagbuo ng kabuhayan at turismo.

Samantala, para sa digital na imprastraktura, ito ay tututukan sa mga rural na lugar upang tulungan ang sektor ng agrikultura, sektor ng edukasyon, at maging ang sektor ng pangangalagang pangkalusugan, at ang mga rural na negosyante upang maabot nila ang mas malawak na merkado sa buong bansa man o internasyonal.

Sa agrikultura, ang layunin sa ilalim ng agro-forestry industrial urbanism ay lumikha ng mega-industrial ecozones kung saan ang mga nakatiwangwang na lupain ng gobyerno ay gagawing produktibo sa pamamagitan ng pag-imbita sa mga dayuhang mamumuhunan na magtayo sa mga lugar na ito. Kasabay nito ay dadalhin rin sa ecozone ang mga producer ng mga raw materials upang makabuo ng isang ecosystem kung saan ang pagsasaka at pagpo-proseso ay maaaring umunlad nang magkasama. Kalaunan ay bubuo ng mga township sa mga ecozone na ito upang ang mga tao ay makapagtrabaho kung saan sila nakatira.

Binigyang-diin ni Consing na ang Maharlika ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng financial returns, dahil dapat din nilang tingnan ang epekto sa lipunan at kapaligiran ng kanilang mga proyekto.

At habang ang Maharlika Fund ay pangmatagalan, aminado si Consing na limitado ang kaniyang panahon bilang pinuno ng Korporasyon, na siyang dahilan din ng kaniyang ginagawa sa abot ng kaniyang makakaya para makabuo ng matibay na pundasyon, para kung sino man ang uupo bilang susunod na PCEO ay pagbubutihin na lamang ang mga programa batay sa pananaw ng MIC na maging isang “torchbearer” para sa mas maliwanag na kinabukasan ng Pilipinas.”