Usap-usapan ang pag-amin ni Sen. Erwin Tulfo na suportado niya ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon, subalit nag-iba nang dahil sa isyu ng extra-judicial killings (EJK).
Matatandaang lalong umiinit ang tensiyon sa Senado matapos na muling hindi dumalo ang mga senador na kabilang sa majority bloc sa plenary session noong Martes, Hunyo 2, na nagresulta sa kawalan ng quorum at pagkansela ng sesyon sa ikalawang sunod na araw.
Sa panayam ni ABS-CBN News anchor Karen Davila kay Sen. Tulfo, tahasang binatikos ng senador si noo'y Senate President Alan Peter Cayetano at nanawagang magbitiw na ito sa puwesto kasunod ng nagpapatuloy na krisis sa liderato ng Senado.
Sa naturang panayam, sinabi ni Tulfo na hindi na umano tungkol sa usapin ng imbestigasyon sa madugong war on drugs ang kanilang hindi pagkakaunawaan sa Senado kundi ang paraan ng pamumuno ni Cayetano.
“Dalawang bagay, Ms. Karen. Una, ang isyu rito ay Senado, hindi po iyong drug war ng dating pangulo. Sabi ko nga, siguro kailangang magpa-checkup ni Sen. Alan Cayetano sa psychiatrist, psychologist. Meron po kami rito sa Senado,” ani Tulfo.
Iginiit ng senador na hindi dapat iugnay sa usapin ng war on drugs ang kasalukuyang alitan sa loob ng Senado.
Sa parehong panayam, inamin din ni Tulfo na isa siya noon sa mga sumuporta sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte. Gayunman, sinabi niyang nagbago ang kaniyang pananaw nang makita ang umano’y sunod-sunod na pagpatay na naganap sa ilalim ng naturang kampanya.
“Suportado ko po dati iyong drug war pero iyong sunod-sunod na nanlaban, araw-araw may nanlaban, tricycle driver nanlaban, lahat ng namamatay biglang may baril. How is that?” ani Tulfo.
Ang pahayag ni Tulfo ay kasunod ng naging pagdepensa ng ilang senador sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga kontrobersiyang may kaugnayan sa war on drugs at iba pang usapin ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
Samantala, nitong Miyerkules, Hunyo 3, nagkaroon ng kudeta sa liderato ng Senado sa pamamagitan ng umano'y quorum ng minorya kasama pa si Sen. Chiz Escudero.
Maki-Balita: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!
Iniluklok ng mga senador mula sa minority bloc kasama si Escudero mula sa majority bloc, si Sen. Win Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore at acting Senate President, matapos na hindi dumalo ang mga senador mula sa majority bloc.
Nagbalasahan din ng mga chairman ng iba't ibang komite, at napunta kay Sen. Erwin ang Blue Ribbon Committee, na dating nasa pangangasiwa ni Sen. Pia Cayetano. Bilang bagong committee chair, sinabi ni Sen. Erwin na sisimulan ang flood control probe sa Lunes, Hunyo 8.
Maki-Balita: : Blue ribbon committee hearing, ikakasa sa Hunyo 8—Sen. Erwin
Subalit, naglabas naman ng isang memorandum si SP Cayetano at ipinag-utos sa lahat ng Senate official, staff, at personnel na tuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control project, sa ilalim ng chairmanship ng kaniyang kapatid.
Maki-Balita: Ano na? Magkaibang Blue Ribbon Committee, magkakasa ng flood control probe
Maki-Balita: Sino susundin? SP Cayetano naglabas ng memo, Blue Ribbon committee hearing push pa rin bukas!