June 03, 2026

Home BALITA National

Sino susundin? SP Cayetano naglabas ng memo, Blue Ribbon committee hearing push pa rin bukas!

Sino susundin? SP Cayetano naglabas ng memo, Blue Ribbon committee hearing push pa rin bukas!
Photo courtesy: Alan Peter Cayetano (FB)/MB File Photo

Naglabas ng memorandum si Senate President Alan Peter Cayetano para sa mga opisyal at personnel ng Senado, na nagpapatibay na mananatiling operational ang Office of the Senate President at magpapatuloy ang mga nakatakdang pagdinig ng mga komite sa kabila ng kasalukuyang "sine die adjournment" ng Mataas na Kapulungan.

Sa memorandum na may petsang Hunyo 3, 2026, ipinabatid sa lahat ng opisyal at kawani ng Senado na patuloy na gagampanan ng Senate President ang kaniyang mga kapangyarihan at tungkulin sa pamumuno ng institusyon.

Ayon sa dokumento, tuloy ang ikasiyam na pagdinig ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Pia Cayetano, sa Huwebes, Hunyo 4, 2026 sa ganap na 10:00 ng umaga sa Senate Session Hall sa GSIS Building sa Pasay City.

Nakasaad din sa memorandum na ang direktiba ay hindi lamang para sa nasabing pagdinig kundi para rin sa lahat ng iba pang committee hearings na nauna nang nakatakda at sa mga susunod pang isasagawa ng mga halal na chairperson ng iba't ibang komite.

Iniutos din ni Cayetano sa mga opisyal at empleyado ng Senado na nakatalaga sa mga gawain ng komite na magbigay ng buong kooperasyon at kinakailangang suporta upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng mga pagdinig.

National

Sen. Lacson: Sen. Cayetano is no longer SP

Partikular ding inatasan ang Senate Sergeant-at-Arms na si Manuel Parlade na tiyaking maayos ang pagpasok, pagkilala at pag-accommodate sa mga inimbitahang resource persons, testigo at iba pang bisita ng Blue Ribbon Committee.

Kasama rin sa kaniyang mga tungkulin ang pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa loob ng Senate Session Hall at ang pagpapatupad ng mga legal na kautusan at direktiba ng chairperson ng komite at ng presiding officer ng pagdinig.

Binigyang-diin pa sa memorandum na ang lahat ng security at access protocols para sa hearing ay ipatutupad alinsunod sa mga direktiba ng Office of the Senate President at ng Blue Ribbon Committee.

Samantala, inatasan din ang lahat ng opisyal at empleyado ng Senado na patuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa kanilang sinumpaang serbisyo, umiiral na batas, Civil Service rules, at mga opisyal na direktiba ng Senate President.

Ang naturang memorandum ay inilabas sa gitna ng patuloy na tensyon at hidwaan sa loob ng Senado, na may kinalaman sa ginawa ng minority bloc at ni Sen. Chiz Escudero mula sa majority, na bakantehin ang lahat ng mga posisyon sa Senado at iluklok bilang bagong Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Sen. Win Gatchalian, dahil na rin sa pangatlong araw na boycott ng mga senador mula sa mayorya.

Maki-Balita: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!

Itinalaga naman si Sen. Erwin Tulfo bilang bagong chair ng Blue Ribbon Committee, at sinabi niyang magpapatuloy ang flood control probe sa darating na Lunes, Hunyo 8.

Maki-Balita: : Blue ribbon committee hearing, ikakasa sa Hunyo 8—Sen. Erwin

Giit naman ni Cayetano, ilegal ang ginawang kudeta ng minorya, at siya pa rin ang nananatiling lehitimo, legal, at moral Senate President.

Maki-Balita: 'I'm still the legitimate, legal, moral Senate President!'—SP Cayetano

Maki-Balita: Ano na? Magkaibang Blue Ribbon Committee, magkakasa ng flood control probe

Nanawagan naman siya sa mga Pilipino na dumalo sa isasagawang prayer vigil bukas sa labas ng Senado.

Maki-Balita: SP Cayetano, nanawagan sa mga Pilipino na dumalo sa prayer vigil sa Senado!