June 03, 2026

Home BALITA Politics

‘12 is not 13, alam ng grade 1 'yan!' Sen. Pia, tinalakan bagong majority!

‘12 is not 13, alam ng grade 1 'yan!' Sen. Pia, tinalakan bagong majority!
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Kinuwestiyon ni Sen. Pia Cayetano ang legitimacy ng isinagawang sesyon ng Senado na dinaluhan ng 12 senador at iginiit na hindi sapat ang naturang bilang upang bumuo ng quorum at magsagawa ng opisyal na sesyon.

Sa inilabas niyang pahayag nitong Miyerkules, Hunyo 3, 2026, binigyang-diin ni Cayetano ang probisyon ng 1987 Constitution na nagsasaad na ang Senado ay binubuo ng 24 na senador at “a majority of each House shall constitute a quorum to do business.”

Ayon sa kaniya, nakasaad din sa Senate Rules na, “The officers of the Senate shall be elected by the majority vote of all its members.”

“So today, when 12 senators convened and purportedly held session, how can that be valid?” hirit ni Cayetano.

Tinukoy rin ng senadora ang kasong Avelino vs. Cuenco, na ginagamit umano bilang batayan ng ilan upang ituring na mayorya ang 12 senador.

Politics

Sigaw ni Sen. Loren Legarda: Pagpapalit ng liderato sa Senado unconstitutional!

“They cite the case of Avelino vs. Cuenco where the Supreme Court considered 12 as the majority. But as any freshman law student knows, you can’t pull out the rationale of a case and use it to suit your needs. The specifics of the case are different,” pahayag niya.

Binanggit din ni Cayetano ang isinulat ng yumaong constitutionalist na si Joaquin Bernas sa kaniyang aklat hinggil sa interpretasyon ng quorum sa lehislatura.

Ayon sa sipi na ibinahagi ng senadora, sinabi ni Bernas na: “This manner of approaching the subject can lead to the ridiculous should the majority of the legislative body be abroad and beyond the coercive power of the body.”

Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, muling iginiit ni Cayetano na hindi maaaring ituring na mayorya ang 12 sa isang kapulungang may kabuuang 24 miyembro.

“12 is not 13. Alam ng Grade 1 student ‘yan,” aniya.

Matatandaang ginulat ni Sen. Chiz Escudero ang Senate plenary hall matapos siyang dumalo sa sesyon nitong Miyerkules, Hunyo 3—ilang araw matapos ang hindi pagsipot ng Senate majority bloc sa kanilang plenary session.

Si Escudero na nauna na noong sumapi sa majority bloc ang siyang kumumpleto sa bilang ng 12 senador upang magkaroon ng quorum at rumatsada ang sesyon ng Senado.

Bunsod nito, agad na binakante ng Senado ang posisyon ng Senate President Pro Tempore kung saan naihalal si Sen. Win Gatchalian sa naturang posisyon at kalaunan ay idineklara bilang acting Senate President.

KAUGNAY NA BALITA: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!