Gumagawa na ng paraan ang pamahalaan upang maiangat ang buhay ng mga magsasaka.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. matapos dumalo at pangunahan ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa 2,500  magsasaka sa Davao City nitong Miyerkules, Pebrero 7.

Sa kanyang talumpati, binanggit ng punong ehekutibo na bibigay nila ang lahat ng suporta upang mapangalagaan ang mga magsasaka na nagbibigay ng pagkain sa mga Pinoy.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“Kaya naman, mahirap ko mang makita, nadudurog po ng puso na makita na hanggang ngayon, ang pinakamahirap sa ating bansa ay ang mga magsasaka. Kayo ang nagpapakain sa amin, hindi ninyo mapakain ang pamilya ninyo. ‘Yung nagpapakain, ‘yung nagbubuhay sa buong Pilipinas sa lahat ng mga Pilipino,” anang Pangulo.

“Ngunit, ang tulong na nanggagaling sa ating pamahalaan, nanggagaling sa ating lipunan ay napakaliit naman kaya’t ito’y papalitan natin. At hindi na tayo papayag na ang pinakamahirap na hanapbuhay ay ang magsasaka. Mahirap naman talaga, kahit anong gawin natin mahirap ang magsaka. Kaya’t kailangan ng tulong ng ating mga magsasaka— ang lahat ng tulong na maibigay ng pamahalaan, at ang pribadong sektor kasama rin d’yan— lahat ng tulong na mabibigay ay ibibigay naming para naman masabi natin maganda ang maging hanapbuhay ng ating mga magsasaka," aniya.

Matatandaang pinirmahan ni Marcos ang New Agrarian Emancipation Act noong Hulyo 7, 2023 na pinakikinabangan ng 610,054 magsasakang patuloy na nagsasaka sa mahigit 1.7 milyong ektaryang agrarian reform lands.

“Para hindi kayo nahihirapan na dalhin ang inyong ani mula sa pinagsasakahan ninyo hanggang doon sa palengke, para mababa pati ang presyo, mas malaki ang kikitain ng ating magsasaka. Kaya’t inaanyayahan ko po kayong lahat na magtulungan sa pagtataguyod ng kapakanan ng ating mga magsasaka,” pahayag pa ni Marcos.