June 06, 2026

Home BALITA

Lalaking nagpanggap na naholdap, arestado

Lalaking nagpanggap na naholdap, arestado
Photo courtesy: Unsplash

Inaresto ng mga awtoridad ang isang 34-anyos na Italianong negosyante matapos nitong aminin na hindi totoo ang iniulat niyang insidente ng robbery-snatching sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), unang nagtungo ang dayuhan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) upang iulat na nabiktima siya ng pagnanakaw sa kahabaan ng P. Tuazon Boulevard sa Barangay Milagrosa, Project 4, bandang 11:10 ng gabi noong Hunyo 5. Sinabi umano nito na tinangay ng mga suspek ang kaniyang mga gamit sa naturang insidente.

Matapos matanggap ang reklamo, agad nagsagawa ng beripikasyon ang mga imbestigador. Kabilang sa kanilang isinagawang hakbang ang pagrerepaso ng mga kuha ng CCTV cameras sa lugar, pagkalap ng impormasyon mula sa mga posibleng saksi, at pagsusuri sa timeline ng mga pangyayari na inilatag ng complainant.

Gayunman, sa halip na mapatunayan ang kaniyang salaysay, nakakita ang mga awtoridad ng ilang hindi pagkakatugma at mga butas sa kaniyang pahayag. Dahil dito, isinailalim siya sa mas masusing pagtatanong ng mga imbestigador.

Sa kalaunan, inamin ng negosyante na gawa-gawa lamang ang kaniyang iniulat na insidente at walang naganap na robbery-snatching. 

Sen. Win, kinilig matapos i-ship kay Sen. Risa

Ang pag-amin ay nagbukas ng posibilidad ng kasong may kaugnayan sa pagsasampa ng maling ulat at perjury laban sa kaniya.

Agad siyang inaresto at isinailalim sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng pulisya ang publiko na magbigay lamang ng makatotohanang impormasyon sa mga awtoridad dahil ang paghahain ng maling ulat ay maaaring magresulta sa kasong kriminal at makasayang sa oras at rekurso ng mga law enforcement agencies na nakatuon sa pagtugon sa mga tunay na insidente ng krimen.