Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla kay Sen. Alan Peter Cayetano na panatilihin ang kanyang kahinahunan sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng Senado.
Sa kanyang programa sa radyo noong Sabado, hinikayat ni Remulla si Cayetano na maging mahinahon habang nagpapatuloy ang usapin kaugnay ng pamumuno sa mataas na kapulungan.
"I'd like to appeal to Alan (Cayetano), ayusin niya naman... Maghunos-dili sana siya," ani Remulla.
Nanawagan din siya sa iba pang mga senador na pag-isipang mabuti ang kanilang mga hakbang sa gitna ng umiiral na alitan.
"Lahat naman sila dapat mag-isip," dagdag niya.
Nagsimula ang sigalot matapos maghalal ang 12 senador kay Senador Win Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore nang muling magtipon ang Senado noong Hunyo 3. Ang hakbang na ito ang nagbigay-daan upang ideklara ng mga senador na kabilang sa minority bloc na si Gatchalian ang acting Senate President at Senate President Pro Tempore.
Ayon kay Gatchalian, nakabatay ang kanilang hakbang sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco, kung saan kinilala na ang absolutong mayorya na 12 sa 22 miyembro ay maaaring bumuo ng constitutional majority para sa quorum.
Kasabay ng mga pagbabago sa liderato, nagkaroon din ng reorganisasyon sa ilang komite ng Senado. Kabilang dito ang pagkakahalal kay Senador Erwin Tulfo bilang bagong chairman ng Blue Ribbon Committee kapalit ni Senadora Pia Cayetano.
Sa kabila nito, iginiit ni Cayetano na siya pa rin ang "legitimate, legal, moral Senate President."
Noong Huwebes, Hunyo 4, itinuloy rin ng kampo ni Cayetano ang pagdinig kaugnay ng mga kontrobersyal na proyekto sa flood control.
Gayunman, tinawag ng kampo ni Gatchalian na isang “bogus” hearing ang naturang pagdinig dahil sa usapin ng legalidad ng kasalukuyang liderato sa Senado.
Patuloy namang sinusubaybayan ng mga senador at iba pang sektor ang pag-unlad ng sigalot, na maaaring makaapekto sa mga operasyon at pagdinig ng Senado sa mga susunod na araw.