Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kaugnay ng umano'y pagpapakamatay ng isang 27-anyos na aircraft maintenance technician sa Davao City, kamakailan.

Sinabi ng Davao City Police Office, pinangunahan ng Davao City Forensic Unit ang pagsasagawa ng post-mortem, fingerprint at paraffin test sa bangkay ng biktima.

Paliwanag ng pulisya, madedetermina sa imbestigasyon kung nagkaroon ng gunpowder residue sa kamay ng biktima na isa sa posibleng palantandaan na nagpaputok ito ng baril.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nauna nang binanggit ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng nakaparada niyang sasakyan sa Rasay St., Toril Proper, Davao City, nitong Enero 20, dakong 3:30 ng hapon.

Nadiskubre ang insidente matapos makarinig ang isang testigo ng malakas na putok ng baril sa loob ng isang van kung saan natagpuan ang duguang biktima na hawak pa ang isang 9mm pistol.

Kaagad na nagtungo sa crime scene ang misis ng biktima na nagsabi sa pulisya na tatlong araw na silang hiwalay ng asawa matapos silang mag-away.

Idinagdag pa nito, madalas umanong nagtatangkang magpakamatay ng biktima kapag nag-aaway silang mag-asawa.