Tinanggal na sa puwesto ang viral na pulis na nambugbog ng kaniyang misis sa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa Malolos City Police Station, ipinasauli na rin nila ang service firearm ng nasabing pulis at patuloy nagsimula na rin ang kanilang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Mapapanood sa nagkalat na video sa social media kung paano paulit-ulit na sinampal, sinuntok, sinikmuraan at hinila ng suspek ang kaniyang misis hanggang sa siya ay bumulagta na sa sahig.
Mariin namang kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang insidente at iginiit na bilang na umano ang mga araw ng saturang pulis sa kaniyang pagseserbisyo bilang pulis.
Hinikayat din ng NAPOLCOM ang biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek at makipag-coordinate sa kanilang tanggapan.
Samantala, sa pamamagitan ng Facebook post ng biktima noong Linggo, Mayo 10, 2026, bagama't hindi niya binaggit kung magsasampa siya ng kaso laban sa mister, tahasan naman siyang nagpahayag ng pag-alma laban sa sinapit niya.
"Siguro tapos na kayo? Ako naman siguro no! Ilang taon ako nagtiis at pakikisama sayo! Hindi ako nag salita kahit ako yung binabaliktad mo at ako yung sinisira mo! Sobra taas na ng tingin mo sa sarili mo! Masyado ka nang mabait sa ibang tao akala mo kang angel sa pakitang tao mo!" anang biktima.
Dagdag pa niya, "Now tayo mag harap harap para makita mo yang pinag yayabang mo! Ayoko gawin to pero sobra kana! Wala akong katahimikan sayo hanggang ngayon! Marami pa akong dapat ipaliwanag dito man lang mapag tangol ko sarili ko!!"