Nais ng isang kongresista na ipaimbestiga sa Kamara ang malawakang power outage sa Panay Island at panagutin na rin ang nasa likod ng insidente.

Binanggit ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa isang radio interview, maghahain siya ng resolusyon para sa pormal na  imbestigasyon sa usapin.

Ikinatwiran ng mambabatas, dapat na managot ang mga indibidwal na hindi ginawa ang kanilang mandato kaya nawalan ng kuryente ang Guimaras Island, Iloilo, Antique, Aklan, at Capiz kamakailan.

Malaki aniya ang epekto nito sa kabuhayan ng mga taga-Panay, lalo na ang mga may maliliit na negosyo katulad ng nagtitinda ng mga pagkain.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“Maraming nasirang ingredients ng ating MSMEs (Micro, Small and Medium Enterprises) na mga kainan. Mga isda ng mangingisda, sira rin. Parang hindi magandang pagsalubong sa taong 2024,” anang kongresista.

Kaugnay nito, nanawagan din ito sa Department of Energy (DOE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na apurahin ang pagresolba sa usapin sa pamamagitan ng paghahanap ng pangmatagalang supply ng kuryente sa rehiyon.