Nabuo na bilang low pressure area (LPA) ang cloud cluster o kumpol ng ulap sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Disyembre 14.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Patrick Del Mundo na huling namataan ang LPA sa labas ng PAR 1,865 kilometro ang layo sa silangan ng Southern Mindanao.

Mababa naman umano ang tsansang maging bagyong ang LPA sa susunod na dalawang araw, ngunit posible raw itong pumasok ng PAR sa Sabado, Disyembre 16, at lumapit sa silangang bahagi ng Mindanao pagsapit ng Linggo, Disyembre 17.

“Hinihikayat pa rin ang pag-iingat sa ating mga Kababayan, at paghahanda sa paglapit nitong low pressure system na ito, dahil maaari itong magdala ng mga pag-ulan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao,” ani Del Mundo.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Pagdating sa magiging lagay ng panahon sa loob ng 24 oras, malaki umano ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes dahil sa amihan.

Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito, ayon sa PAGASA.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Visayas at Mindanao bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.