Hiniling na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na parusahan ang driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na iniwan sa gitna ng kalsada sa harap ng La Salle Greenhills, Mandaluyong City kamakailan.

Idinahilan ni MMDA Acting Chairman Romando Artes kay LTO chief Vigor Mendoza, nilabag ng driver ng SUV ang republic Act 4136, Section 54 kung saan ipinagbabawal ang sinuman na humarang sa dinadaanan ng ibang sasakyan.

Metro

High school principal sa QC, arestado sa pangmomolestya umano ng 4 na estudyante

Nitong Agosto 16, hinuli ng mga traffic enforcer ang isang SUV na nakatigil sa harap ng nasabing paaralan at iniwan ang sasakyan sa gitna ng kalsada kung saan nagresulta ito sa pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar.

Kalakip sa rekomendasyon ni Artes ang kopya ng Uniform Ordinance Violation Receipt (UOVR) kung saan nakasaad na pinagmumulta ang driver ng SUV ng P2,000 (Illegal Parking) at P1,000 naman para sa Obstruction.

Matatandaang bigla na lamang ipinarada ng driver ang minamanehong SUV sa lugar at pumasok sa compound ng naturang paaralan nitong Agosto 16 ng hapon kaya nagkaroon ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.