Nakapagtala pa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 107 rockfall events sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras.
Sa tala Phivolcs nitong Martes, Agosto 22, nakapagtala rin ang Mayon ng 50 volcanic earthquakes, kabilang na ang 36 na volcanic tremor na may habang pito hanggang 32 minuto, at 10 pyroclastic density current (PDC) event.
Namataan din umano ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 3.4 kilometro sa Bonga Gully, 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully, at 1.1 kilometro sa Basud Gully, maging ang pagguho ng lava hanggang 4 kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Samantala, naiulat din ng Phivolcs ang pamamaga ng bulkan, maging ang katamtamang pagsingaw at paglabas ng puting usok sa bunganga nito na umabot hanggang 800 metro ang taas bago tangayin ng hangin sa silangan-timog-silangan at timog-timog-kanluran.
Nagbuga rin ng 753 tonelada ng sulfur dioxide ang bulkan nitong Lunes, Agosto 21.
Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.
Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Dahil dito, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone at pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Nananatili pa rin sa Alert Level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang Bulkang Mayon.