Viral ngayon sa social media ang umano’y “pagwawalang-hiya” ng isang grupo ng guests sa isang private resort sa Calamba City, Laguna.

Base sa mga video na kumakalat online, makikita ang ilang guests ng resort na naghahagis ng mga upuan at mesa nitong Lunes, Agosto 14.

Tila napuno rin ang swimming pool ng resort ng mga itinapong upuan, mesa, water dispenser, mga bote, buhangin, at iba pa.

Hindi rin nakaligtas ang CR nito na kinalatan din umano ng mga dumi.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Base naman sa isang pahayag ng management ng resort, nagpunta na raw sila sa barangay hall upang magsampa ng reklamo sa apat na nasabing guests.

Dumating naman umano ang dalawa sa apat na lalaking naghagis ng mga gamit sa resort maging ang kanilang mga magulang upang humingi ng tawad, at nakipag-areglo rin umano ng malaking halaga para sa danyos perwisyo.

Inihayag din ng management ng resort na pinatawad na umano nila ang ginawa ng nasabing kalalakihan at nasa ayos na muli ang resort. Gayunpaman, hindi pa umano tuluyang naisarado ang kaso at patuloy pa rin ang pag-uusap ng dalawang panig.

Samantala, nakarating na umano sa kompanyang kapwa pinagtatrabahuhan ng apat na lalaki ang naturang insidente.

“Para naman sa ibinabang desisyon ng kanilang kompanya ay hindi na po namin sakop iyon at wala po kming magagawa kung ano ang knilang maging hatol. Suspension/Dismissal Labas npo kmi doon. Sila na po ang bahala makipag usap sa mga boss po nila,” saad pa ng management ng resort sa nasabing pahayag.

Habang sinusulat ito’y burado naman na ang naturang pahayag ng management ng resort.