Isang pasahero ang nasawi matapos umanong lumubog ang isang bangkang de-motor na may sakay na 95 indibidwal sa katubigang sakop ng Corcuera, Romblon nitong Sabado, Agosto 5, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa ulat ng PCG, naglayag ang MBCA KING STO. NIÑO 7 mula Port of Calatrava patungong Port of Corcuera nang mangyari ang insidente bandang 1:00 ng hapon.

Sakay umano ng 96 maximum capacity ng pampasaherong bangka ang 95 indibidwal kabilang na ang limang tripulante, at isang motorsiklo.

Inihayag din ng mga PCG personnel na naka-deploy sa lugar na maaraw at maayos ang panahon nang maganap ang insidente.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Dakong 3:00 ng hapon naman umano nang makarating ang PCG search and rescue (SAR) team at mga iniligtas na indibidwal sakay ng MBCA MARK JET 4 at MBCA CORCUERA LINERS INC sa baybay-dagat ng Barangya Ilijan, Corcuera.

“Kinumpirma rito ng attending physician na ‘cardiac arrest’ ang sanhi ng pagpanaw ng isang pasahero ng MBCA KING STO. NIÑO 7,” anang PCG.

Patuloy pa rin umano ang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng insidente.