CALAMBA CITY, Laguna — Patay ang isang babae nang pagsasaksakin ng kaniyang live-in partner matapos ang umano’y mainitang pagtatalo sa kanilang bahay sa Barangay Saimsim dito, nitong Martes ng hapon, Agosto 1.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Andrea Salve Escalante.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Namatay ang biktima nang makarating sa J.P. Rizal Hospital dahil sa mga natamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. 

Nakatakas naman ang kaniyang live-in partner na si John Catambay at kasalukuyang pinaghahahanap ng mga awtoridad. 

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-2 ng hapon magkasamang dumating ang dalawa sa bahay ng biktima. 

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa harap ng ina ni Escalante. Kaya't nagpasya ang ina ng biktima na umakyat at iwanan ang mag-asawa sa kasagsagan ng pagtatalo.

Ngunit makalipas ang ilang minuto, sumigaw ng tulong ang biktima at sinabing, “Mama papatayin na niya ako.”

Agad na bumaba ang ina at nakitang pinagsasaksak ng suspek ang kaniyang anak ng ilang beses at saka tumakas.

Humingi ng tulong ang ina sa mga opisyal ng barangay at dinala ang biktima sa ospital.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.