Isang krus na sinusuot noon ni dating pope Benedict XVI sa kaniyang dibdib ang ninakaw umano sa isang simbahan sa southern Germany kung saan ito naka-display.

Sa ulat ng Agence France-Presse, ibinahagi ng pulisya nitong Martes, Hunyo 20, na nakasilid ang naturang pectoral cross sa isang lagayan sa pader ng simbahan ng St. Oswald sa Traunstein, sa estado ng Bavaria, kung saan ginugol ni Benedict ang kaniyang pagkabata.

Ipinamana umano ng dating papa ang krus sa parokya.

"For the Catholic Church, the value of this sacred object cannot be quantified," pahayag ng Bavarian police.

Internasyonal

Sikat na nagyeyelong Mt. Fuji sa Japan, hindi nag-snow matapos ang 130 taon

Samantala, ayon din sa pulisya, nilusob ng mga magnanakaw na hindi pa nakikilala ang parokya para kunin ang pectoral cross nitong Lunes, Hunyo 19, sa pagitan ng 11:45 ng umaga (0945 GMT) at 5:00 ng hapon (1500 GMT).

Pinasok din umano nila ang isang cash register ng isang magazine stand at ninakaw ang pera sa loob nito.

Si Benedict ay naging unang obispo sa loob ng anim na siglo noong 2013 na bumaba sa puwesto bilang pinuno ng Simbahang Katoliko. Pumanaw siya noong Disyembre sa edad na 95.