Isang 19-anyos na babae ang binawian ng buhay nang pagbabarilin ng kanyang kinakasama matapos na tangkaing makipaghiwalay dito sa Tondo, Manila nitong Miyerkules ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Roselyn Poquinto, 19, residente ng Permanent Housing, Balut, Tondo, Manila dahil sa tama ng bala sa dibdib at likurang bahagi ng  katawan.

Samantala, sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si Bart Cariño, 37, at negosyante sa takot na gantihan nang pamilya ng biktima.

Batay sa pagsisiyasat ni PSSg Rodolfo Acosta, ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, nabatid na naganap ang insidente alas-6:20 ng gabi sa tinutuluyang bahay ng magka-live in sa Tondo.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Sa kuha ng CCTV, makikitang umalis si Cariño ng bahay sakay ng kaniyang motorsiklo.

Ilang minuto lamang ay natagpuan na ang bangkay ni Poquinto nang mag-report sa pulisya at barangay ang isa pang kinakasama ng suspek na si Ria Solayao. 

Samantala, sinabi ni Belson Dablo, kapatid ni Poquinto, na unang nagsumbong sa kaniya ang biktima matapos nilang mag-away ni Cariño.

Aniya, sinabi ng biktima na pinaputukan siya ng baril ng suspek pero sa tiles ng comfort room pinatama ang bala.

Sinabi rin ni Dablo na malimit na mag-away ang magkasintahan at ilang beses nang pinagbantaan ni Cariño si Poquinto na papatayin.

Gayunman, nagkakabati rin ang dalawa matapos suyuin ng suspek ang biktima.

Lumitaw rin sa imbestigasyon na nakikipaghiwalay na ang biktima sa suspek pero tumanggi ito at nagalit dahilan para barilin ang biktima. 

Hindi naman nagbigay ng pahayag si Cariño, na sinampahan ng kasong murder sa piskalya.