Binalaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residente sa paligid ng Mayon Volcano sa Albay dahil sa posibleng pagragasa ng lahar sa gitna ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.

Sa pahayag ng Phivolcs, dapat maging alerto ang mga residente sa lalawigan, lalo pa't nakararanas ng malakas na pag-ulan o monsoon rains sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Inaasahang paiigtingin din ito ng pagpasok sa bansa ng bagyong "Betty" sa Biyernes ng gabi o sa Sabado.

Paliwanag ng Phivolcs, ang lahar ay masyadong mapanganib na uri ng mudflow na binubuo ng pyroclastic material, mga kalat na bato at tubig na rumaragasa ng 10 metro kada segundo na kayang sirain o tabunan ang mga bahay at iba pang istraktura na dadaanan nito.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Matatandaang lima ang nasawi matapos tabunan ng lahar flow ang mahigit sa 300 bahay sa Guinobatan, Albay sa kasagsagan ng Super Typhoon Rolly noong Nobyembre 1, 2020.

Kaugnay nito, naitala rin ng Phivolcs ang lima pang rockfall events sa Bulkang Mayon sa nakaraang 24 oras.