Certified trending sa YouTube ang pinakabagong kanta ni Viva artist Arthur Nery, ang “Nasa’king Damdamin” na ikina-aray naman ng masugid na fans.

Dagdag sa kaniyang makulay na discography ang latest single ni Arthur na inilabas nga noong Biyernes, Mayo 19.

Babalikan ang masaya at in love na track ng singer noong Pebrero sa kantang “O ninanais” na kinakiligan at ikina-sana all ng marami.

Basahin: ‘Ikaw at ikaw ang pipiliin’: Latest single ni Arthur Nery na ‘O ninanais,’ certified trending – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Musika at Kanta

Martin Nievera, may madamdaming mensahe kay Sofronio Vasquez

Sa kaniyang comeback ngayong buwan, isa namang mapanakit na kanta ang handog ni Arthur sa fans na idinaan na lang sa pilyong mga hirit ang naging epekto ng kanta.

Kabilang sa mga agad na tumatak sa fans ang linya sa chorus ng kanta sa mga salitang:

“Oh, tila tinatahak lamang natin ang tadhanang

'Di naman ako ang 'yong kahati, sana 'di mo na pakawalan

Nangangalay ang aking bisig, kakaalay sa'king pag-ibig”

Sa credits ng kanta, ang Cagayan de Oro crooner ang sole writer ng single katuwang ang producers nitong sina Axel Fernandez, at Su Ganade.

Sa pag-uulat, nasa ika-29 sa trend list for music ng YouTube Philippines ang kanta at may mahigit 59,000 views.

Samantala, narito ang ilang reaksyon ng fans sa newest song ni Arthur:

“Pagkatao nalang ni Arthur ang nakakakilig pero yung mga kanta nya hindi na nakakatuwa,” anang isang fan sa fan page ng singer sa Facebook.

“Ginusto natin 'to kaya walang karapatang magreklamo, sumusunod nga lang daw kasi siya,” segunda ng isa pa.

“Damn hot but sad.”

“Mapanakit!”

Noong 2022, pumangatlo si Arthur bilang most streamed OPM artist sa Spotify sa pangunguna ni Zack Tabudlo at ng bandang Ben&Ben sa una at ikalawang puwesto, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ang Viva artist ay nakilala sa mga hit songs na “Isa Lang,” “Pagsamo,” “Binhi,” “Higa” bukod sa maraming iba pa.