Nakatakdang bigyang-pagkilala ng Metro Manila International Film Festival (MIFF) si Broadway Legend, Lea Salonga, sa kanilang closing night gala sa Setyembre 6, sa Beverly Hilton, Beverly Hills, California.
Batay sa inilabas na pahayag ng MIFF, bilang premier event na kumikilala sa mga pelikulang Pilipino sa global stage, layon nilang bigyan ng Icon Award si Salonga bilang special tribute sa kaniyang legasiya sa industriya ng pagtatanghal.
“Lea Salonga is a legend whose extraordinary career has broken barriers and inspires generations of Filipino and Asian artists globally,” saad ni MIFF Executive Producer, Lisa Lew.
Aniya pa, mula sa pag-uuwi ng mga parangal sa teatro, pagiging boses ng ilang Disney heroines hanggang sa pag-arte sa mga palabas sa US at sa Pilipinas, kinakatawan ni Salonga ang kahusayang Pilipino.
“From sweeping major theater awards to voicing classic Disney heroines and starring on screens across both the U.S. and the Philippines, she is the ultimate ambassador for Filipino excellence,” pagkilala ni Lew.
Dahil dito, sa kanilang closing night gala, ikinagagalak ng MIFF na ibigay kay Salonga ang kanilang Icon Award, gayundin ang pagpaparangal sa kaniyang kahusayan sa pamamagitan ng kanilang Hollywood Walk of Fame nomination.
Bilang Broadway legend, si Salonga ay kinilala na sa kaniyang critically-acclaimed performances tulad ng pagganap sa “Miss Saigon,” na humakot ng parangal bilang Best Actress sa Tony, Olivier, Drama Desk, Outer Critics Circle, at Theater World Awards.
Gayundin ang kaniyang pagganap sa mga pelikulang, “Sana Maulit Muli,” “Bakit Labis Kitang Mahal,” “Pik Pak Boom,” “Yellow Rose,” at “The Vale.”
Kasama rin sa kaniyang malawak na mga pagtatanghal, ipinahiram din ni Salonga ang kaniyang boses sa karakter na si Princess Jasmine sa Disney-animated film, “Aladdin,” at si Fa Mulan, ng “Mulan” at “Mulan II.”
Kamakailan lamang, si Salonga rin ang nagsilbing singing voice ng karakter na si Celine ng “KPop Demon Hunters.”