Isinusulong ng mga awtoridad na ideklarang critical habitat ang isang lugar malapit sa ilog sa bayan ng San Mariano, Isabela matapos makumpirma ang presensya ng mga pugad ng Philippine crocodile o Crocodylus mindorensis—isa sa mga pinaka-nanganganib na uri ng buwaya sa mundo.
Nagsagawa ng site validation at monitoring ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang Biodiversity Management Bureau (BMB), kung saan natuklasan ang dalawang pugad na may mga itlog, dalawang juvenile crocodile, at dalawang adult crocodile sa nasabing lugar.
Bunsod nito, inirerekomenda ng mga eksperto na bigyan ng espesyal na proteksyon ang lugar upang mapangalagaan ang natitirang populasyon ng Philippine crocodile at ang likas nitong tirahan.
Ayon sa DENR, mahalaga ang pagkakadiskubre ng mga pugad dahil nagsisilbi ang lugar bilang pamugaran, pangitlugan, at lugar ng pagpaparami ng naturang species na itinuturing na critically endangered.
Matagal nang kinikilala ang San Mariano bilang isa sa mga natitirang kanlungan ng Philippine crocodile sa bansa. Dito rin matatagpuan ang mga programa ng konserbasyon ng DENR at ng Mabuwaya Foundation para sa pagpaparami at pagpapalaya ng mga buwaya pabalik sa kanilang natural na tirahan.
Ang Philippine crocodile ay isang uri ng freshwater crocodile na endemic sa Pilipinas at hindi matatagpuan saanman sa mundo. Dahil sa pagkawala ng tirahan, ilegal na panghuhuli, at iba pang banta sa kalikasan, patuloy na lumiit ang populasyon nito sa nakalipas na mga dekada.
Sa oras na maaprubahan ang deklarasyon bilang critical habitat, magkakaroon ng mas mahigpit na mga patakaran laban sa mga gawaing maaaring makasira sa lugar at sa mga hayop na naninirahan dito bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang tuluyang pagkalipol ng Philippine crocodile sa bansa.