CAMP GEN. PACIANO RIZAL, Laguna -- Timbog ang isang high value individual (HVI) sa droga matapos masamsaman ng 105 gramo ng hinihinahalang shabu noong Martes, Abril 4, sa Purok 3B Brgy. Pansol, Calamba City ng lalawigang ito.

Kinilala ang suspek na si 'Ronald,' residente ng nasabing lugar, ayon kay Col. Randy Glenn Silvio, Laguna Police Director.

Sinabi naman ni Lieutenant Colonel Milany Martinez, hepe ng Calamba City police, na dakong 12:53 ng madaling araw nang makipagtransaksyon ang suspek sa isang police poseur buyer at nakabili ng shabu na naging dahilan ng pagkakaaresto nito. 

Narekober mula sa suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 105 gramo at may tinatayang market value na ₱714,000 at marked money. 

Probinsya

Higit 1 buwang nawawala: Mangingisda mula sa Quezon, inanod sa Batanes!

Nasa custodial facility ng Calamba City police ang suspek habang isasampa sa Prosecutor's office ang reklamong may kinalaman sa droga.

“Ang impormasyong ibinibigay ng ating mga mamamayan ay isang malaking susi sa pag-aresto sa mga taong sangkot sa ilegal na droga. Ang inyong pagtutulungan ay tungo sa kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran ng buong Lalawigan ng Laguna," saad ni Silvio.